Mayor Isko: Isettan 'walang business permit,' posibleng ipasara
MANILA, Philippines — Humaharap sa banta ng pagpapasara ang isang mall sa Maynila kasunod ng diumano'y kawalan ng permiso na patakbuhin ang kanilang negosyo, ayon sa pahayag na inilabas ng pamahalaang Lungsod ng Maynila.
Ibinahagi ito ni Manila City Mayor Francisco "Isko Moreno" Domagoso sa isang forum sa Lungsod ng Taguig, Martes.
"[K]ailangang magpaliwanag ang management [ng Isetann] kung bakit walang kaukulang permit ang operator nila," sabi ni Julius Leonen, hepe ng Manila Public Information Office sa Inggles.
Inalerto raw kasi ng Bureau of Permits si Domagoso na walang business permit ang Trans Orient Management Company, na operator ng Isetann Mall, para sa taong 2019.
Noong 2018 ay nakakuha naman ng dokumento ang nasabing pamilihan.
Kahapon, sinabi rin ni Domagoso na posibleng ipasara ang Isetann Mall sa Recto dahil sa mga reklamong "nagkukubli" ito ng mga nagbebenta ng nakaw na cellphone.
BREAKING: Isetann Mall sa Recto maaaring ipasara ni Manila City Mayor @IskoMoreno kung mapatunayan na nagkukubli ng mga vendor na nagbebenta ng nakaw na cellphone#AlertoManileno pic.twitter.com/8DneIXwSFb
— Manila Public Information Office (@ManilaPIO) October 7, 2019
Aniya, may nagsumbong daw kasing isang estudyante na nakita niya ang nawawalang cellphone sa isang nagbebenta sa naturang mall.
Ipinagbabawal na rin ang pagbebenta ng "secondhand" na mobile phones sa kapitolyo ng bansa.
Maliban sa Isettan, matatandaang pinagbantaan din ng alkalde ang Tutuban Mall noong Setyembre dahil sa parehong paratang pagdating sa mga nakaw na cellphone.
- Latest