5 kadete kakasuhan sa Dormitorio hazing
MANILA, Philippines – Umaabot na sa limang kadete ang sasampahan ng kasong kriminal matapos na dalawa pa ang natukoy na sangkot sa hazing na ikinasawi ni Cadet 4th Class Darwin Dormitorio.
Hindi naman tinukoy ni Baguio City Police Chief, P/Col. Allen Rae Co ang dalawa pang bagong suspek.
Una nang inilutang ng opisyal na dahil sa nawawalang combat boots ni Cadet 1st Class Axl Ray Sanupao ay nairita ito kaya napag-initan si Dormitorio na ipinasa nito kina 3rd Class Shalimar Imperial at Felix Lumbag para parusahan.
Kinumpirma naman ni DILG Secretary Eduardo Año na ilang beses nang ipinalilinis ang nasabing boots ni Sanupao kay Dormitorio at ilang beses na rin nitong pinakintab pero hindi pa rin nasiyahan ang abusadong upper classmen hanggang sa nawala umano ang nasabing boots na posibleng itinago naman ng iba pang pilyong kadete.
Lumitaw naman sa pagsusuri ng medico legal ng PNP-Baguio na hazing ang ikinamatay ni Dormitorio.
- Latest