Parusa sa magde-'detain' ng pasyenteng 'di makabayad nais paigtingin
MANILA, Philippines — Itinutulak ngayon ng isang senador na palakasin ang batas laban sa mga ospital na humaharang sa pagdi-discharge ng mga pasyente, at mga bangkay, dahil sa kakulangan ng pera.
"Hindi preso ang mga pasyente... ang mga hospital ay dapat lugar gamutan at hindi kulungan," sabi ni Sen. Risa Hontiveros sa magkahalong Filipino at Inggles ngayong Miyerkules.
Aniya, bulnerable raw kasi ngayon ang mahihirap laban sa mga abusadong ospital lalo na't panahon ng dengue, tigdas at polio.
Kung maisasabatas ang Senate Bill 166, mare-revoke ang lisensya ng mga nasabing ospital at makukulong ng hanggang anim na taon ang mga lumalabag na administrador nito.
"Bagama't kinikilala namin ang mga gastusin ng ospital na kailangan sa pagpapatuloy ng kanilang operasyon, ang prayoridad natin ay ang kalusgan ng tao," dagdag ni Hontiveros.
Idineklara ngayong Setyembre ang panunumbalik ng nakakaparalisa, at minsa'y nakakamamatay, na polio sa Pilipinas ngayong Setyembre — isang sakit na walang gamot.
Pumalo na rin sa 249,332 kaso ng dengue ang tumama sa bansa mula Enero hanggang Agosto 2019 — 1,021 dito ang namatay.
Idineklara rin ang measles outbreak sa iba't ibang bahagi ng bansa ngayong taon.
Maliban sa pinaigting na mga parusa, lilikha rin ang SB 166 ng "anti-hospital detention fund" para suportahan ang sinisingil sa mga mahihirap na pasyente.
Papayagan din ang mga unpaid indigent patients na gumamit ng mga "guarantees" mula sa Social Security System, Government Service Insurance o Philippine Health Insurance Corporation kaysa aktwal na mortgage o guarantee na hinihingi ng batas. — James Relativo
- Latest