Brgy., SK elections giit idaos sa Oktubre 2022
MANILA, Philippines – Suportado ni Sen. Bong Go ang panukalang ipagpaliban ang nalalapit na Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Iminungkahi ng bagitong senador na idaos na lamang ang BSKE sa Oktubre 2022, matapos ang May 2022 Presidential elections.
Paliwanag ni Sen. Go, kung idaraos ang BSKE sa naturang petsa ay mabibigyan ang susunod na halal na pangulo at mga bagong barangay officials ng pagkakataon na magkatuwang sa pagtatrabaho at pagpapatupad ng kanilang mga programa.
Inihalimbawa pa ng senador na nang mahalal si Pangulong Duterte noong 2016 ay inabot pa ng dalawang taon bago nagkaroon ng mga bagong barangay at SK officials para sumuporta sa kampanya ng administrasyon laban sa illegal drugs, kriminalidad at korapsiyon.
Kung iigsi rin aniya ang agwat ng national at barangay elections ay nangangahulugan ito ng mas maikling panahon nang paghihintay upang magkatulungan sila sa kanilang mga proyekto at kaagad na maia-align sa lalong madaling panahon ang kanilang mga agenda, direction, objectives, at programa, para sa kapakinabangan ng mga mamamayan.
- Latest