^

Bansa

Pasig mayor Vico sa pearl shake maker: Sumunod kayo sa batas, manggagawa niyo galangin

James Relativo - Philstar.com
Pasig mayor Vico sa pearl shake maker: Sumunod kayo sa batas, manggagawa niyo galangin
"Hindi nangyari ito [welga] kung wala kayong mga empleyado na 10+ taon na, pero kontraktwal pa rin," sabi ng alkalde.
Facebook/Vico Sotto via Janina Vela

MANILA, Philippines — Nanggalaiti ang alkalde ng Pasig City na si Vico Sotto sa karahasang nangyari sa piketlayn ng mga manggagawa ng Zagu, isang kumpanyang kilala sa paggawa ng inuming "pearl shake."

"Nakatanggap ako ng report na may naganap na karahasan sa picket line, kaya't pumunta ako," sabi ni Sotto sa isang paskil sa Facebook Miyerkules ng umaga.

Nangyayari kasi ang welga sa Lungsod ng Pasig, na siyang nasasakupan ni Sotto.

Ika-6 ng Hunyo nang itindig ng Organization of Zagu Workers - Solidarity of Unions in the Philippines for Empowerment and Reforms ang strike sa dahilang 46 lang sa 600 manggagawa nila ang regular, ayon sa Boycott Zagu Coalition.

Itinaon nila ang laban bago ang ika-20 anibersaryo ng kumpanya.

Kinastigo rin ng bagitong mayor kung bakit tinatangkang buwagin ng kumpanya ang welga.

"Ang sagot ng admin-in-charge, pinapatupad lang daw nila ang TRO ng NLRC — ngunit malinaw naman sa TRO na puwedeng ipagpatuloy ang strike basta't hindi ito nakaharang sa pagpasok/paglabas sa Zagu Foods Corp. (nasa gilid lang ang picket line kung saan naganap ang insidente)," dagdag ni Sotto.

Ayon sa admin ng Zagu na humarap kay Sotto sa video, meron na raw temporary restraining order na inilabas ang National Labor Relations Commission tungkol sa pagkilos: "Actually po sir, bale po may TRO na po kasing inimplement," wika ng representante ng kumpanya.

Sa ilalim ng TRO, inuutusan ng NLRC ang unyon na huwag hadlangan ang "ingress" at "egress" sa lugar, o ang karapatan upang malayang makalabas-masok sa property.

"Ano po sir, exit po namin doon namin sir. Parking space po," dagdag ng admin.

Gayunpaman, kwinestyon ito ni Sotto dahil hindi naman daw sa gate nangyayari ang girian: "Anong kinalaman ng parking area sa ingress at egress?"

Taong 2018 nang nagtapos ng master's degree sa public administration ang alkalde sa Ateneo School of Government.

Giit ng NLRC, hindi naman daw pinipigilan ng TRO ang mapayapang piket ng mga manggagawa.

"Hindi nangyari ito [welga] kung wala kayong mga empleyado na 10+ taon na, pero kontraktwal pa rin," sabi ng alkalde.

"Hindi nagkaroon ng strike kung nakipag negosyasyon kayo ng maayos... Sumunod kayo sa batas, galangin niyo ang mga karapatan ng inyong manggagawa," panapos ni Vico.

Nagsimula ang welga matapos ang limang buwang negosasyon sa National Concillation and Mediation Board, kung saan hindi nagkasundo ang unyon at management.

Ika-8 naman ng Hulyo nang masaktan ang dalawang miyembro ng unyon dahil sa "pisikal na pag-atake ng mga eskirol sa picketline," ayon sa pahayag ng Organiza-Super.

"Inuutusan ng management ng Zagu ang mga eskirol na buwagin ang picketline," sabi ng unyon.

Eskirol ang tawag ng kilusang paggawa sa mga "strikebreakers," na ineempleyo ng kumpanya upang palitan ang mga manggagawang nagtitigil paggawa tuwing may welga.

Pagsuporta ng mayor umani ng papuri

Ikinatuwa naman ng ilan ang ginawa ng mayor.

"Nagpapasalamat kami na sumusuporta si mayor," wika ng Organiza-Super sa isang pahayag kanina.

"[P]ero laging tandaan na hindi papasok si mayor vico kung hindi muna nagsakripisyo at lumaban ang mga manggagawa ng zagu."

Aniya, ang mga manggagawa raw ang umudyok at nagmulat sa kanya upang pumanig sa mga trabahador.

Labis din namang natuwa ang mga militanteng kabataan sa ginawa ng kapwa millenial na pulitiko.

"Wow! Ngayon lang yata ako may nabalitaang mayor na bumaba mula munisipyo para ipagtanggol ang karapatan ng mga manggagawa sa piket line," sabi ni Angelica Reyes, pambansang tagapangulo ng Kabataan party-list.

"Kadalasan ang mga mayor ay kasabwat pa ng kapitalista sa pagbuwag ng piket. Iba 'tong si Mayor Vico!"

Maliban sa alkalde, una na ring nagpakita ng kanyang pagsuporta sa mga manggagawa ang social media personality na si Dante Gulapa, na sumikat noon para sa kanyang pagsayaw online.

CONTRACTUALIZATION

LABOR ISSUES

PASIG CITY

STRIKE

VICO SOTTO

ZAGU

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with