Solidong Kongreso kailangan ni Duterte
MANILA, Philippines — Malaki ang papel na gagampanan ng Kongreso sa Administrasyong Duterte sa harap na rin ng banta ng impeachment kaya nangangailangan ng matatag na lider lalo sa House of Representatives.
Ayon sa batikang political analyst na si Mon Casiple, mainit ang usapin ng West Philippine Sea at ang banta ng impeachment hanggang sa huling nalalabing tatlong taong termino ng Pangulo kaya dito papasok na dapat mayroon itong maasahang lider sa Kamara.
Ani Casiple, hindi man aminin ng Pangulo ay nararapat na personal pick niya ang magiging House Speaker ng Kamara.
Ang Makabayan Bloc ang syang nagbanta na mangunguna sa paghahain ng impeachment kay Pangulong Duterte kung saan ang kanilang magiging basehan ay ang naging statement ni Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio na ang pagpayag ng administrasyon sa mga Chinese fishermen sa Philippine Exclusive Economic Zone ay malinaw na paglabag sa konstitusyon.
Matatandaan na ang Makabayan Bloc na syang naghahanda na magsampa ng impeachment ang isa umano sa mga sinusuyo ni Speaker wannabe Marinduque Rep. Lord Allan Velasco na makuha ang boto kasunod na rin ng mahigipit na laban nito sa Speakership sa pagitan ni Taguig City Rep. Alan Peter Cayetano.
Maging ang Liberal Party ay umaming sinuyo din umano ni Velasco kung saan ang pagkakaroon ng Committee Chairmanship sa kanilang mga senior members ang isa sa pangako sa kanila.
Kaugnay naman sa usapin ng term sharing sa Speakership na tinanggihan ni Velasco, sinabi ni Casiple na naniniwala siyang nainis dito ang Pangulong Duterte at may malaking puntos na nawala dito kay Velasco.
- Latest