Paglubog ng Pinoy fishing vessel aksidente lang - Lorenzana
MANILA, Philippines — Bahagyang kumambiyo si Defense Sec. Delfin Lorenzana sa pagsasabing maaaring aksidente lang ang pagpapalubog ng isang Chinese vessel sa isang bangkang pangisda ng mga Pinoy sa Reed Bank.
”I think this is just an accident. Based on some of the information that we gathered from some of the crew, this is just an accident,” sabi ni Lorenzana.
Hindi rin daw kasi tiyak ng kusinero ng bangka, ang natatanging gising sa crew ng bangka nang mangyari ang insidente, kung sinadya ba silang banggain ng Chinese vessel, ayon kay Lorenzana.
Pero nananatili raw ang pagkondena niya sa hindi pagsaklolo ng mga Chinese sa mga mangingisdang Pinoy.
“Siguro hindi lang sinasadya ng kabila na masagi niya. ‘Yon lang, hindi tinulungan,” ani Lorenzana.
Si Lorezana ang unang nag-anunsiyo noong Hunyo 12 ukol sa pagbangga ng Chinese vessel sa bangkang pangisda na FB Gem-Ver noong Hunyo 9 sa Recto Bank, kung saan sinasabing inabandona rin ng mga Chinese ang mga mangingisdang Pinoy, na kalaunan ay nasagip ng isang Vietnamese vessel.
Nanguna si Lorenzana sa pagkondena sa pag-iwan sa mga mangingisdang Pinoy.
Nang tanungin kung nagbago ang kanyang posisyon sa isyu, sinabi ni Lorenzana: “I think we can change our mind if new facts will come.”
- Latest