Probe sa aberya sa VCM suportado ng Palasyo
MANILA, Philippines — Suportado ng Malacañang ang gagawing imbestigasyon ng Kongreso sa naging aberya ng mga counting machines ng Smartmatic sa ginanap na eleksyon.
“Sinusuportahan ng Palasyo ang imbestigasyon sa mga pagpalya ng mga counting machine. Dapat tignan ng Comelec ang mga problemang teknikal ng mga counting machine,” sabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo.
Aniya, ipinauubaya ng Malacañang sa Senado at Kamara ang imbestigasyon sa naging aberya ng mga counting mahines.
Wika pa ni Panelo, nasa desisyon din nila kung dapat nang tapusin ang kontrata ng Smartmatic lalo’t maraming reklamo laban dito.
Samantala, sinabi rin ni Panelo na kailangang resolbahin ang kahirapan upang malutas na din ang vote buying kada eleksyon.
“Gaya ng paliwanag ni Presidente, hangga’t merong mahihirap, hindi mawawala ang vote-buying kasi kailangan nila ng pera,” wika pa ni Panelo.
Ipinauubaya din ng Palasyo sa Kongreso ang desisyon sa pagpasa ng anti-dynasty bill.
Tahasang sinabi kahapon ng Commission on Elections na java error ang dahilan ng bumabang porsiyento ng nationwide election returns galing sa Comelec transparency mirror server patungo sa iba’t-ibang media outlet.
Nagkaroon ng kalituhan ang mga nakatanggap na media outlet dahil mula sa 92.89% na na-prosesong election returns bandang alas-5:20 ng umaga kahapon ay bumaba ito sa 49.76% bandang alas 6:21 ng umaga.
Ang aberya sa system ay nagpahinto sa unofficial count ng media organizations at watchdog groups para sa natapos na eleksyon.
Sinabi naman ni Commissioner Rowena Guanzon na walang dapat na ikaalarma ang publiko sa nasabing aberya. Kailangan lang aniyang i-reset ang system na hindi magtatagal ng limang minuto at babalik na ulit ang updated figures.
Itinulad pa niya ito sa isang cellphone o laptop na kailangan lang i-reset at babalik na ulit sa dati ang program.
Samantala, nais naman ng election watchdog na Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) na ipaliwanag mabuti ng komisyon ang nangyaring aberya. (Doris Franche)
- Latest