Samar solon ‘guilty’ sa graft - Sandiganbayan
MANILA, Philippines — Guilty ang hatol ng Sandiganbayan kay Samar 2nd District Rep. Milagrosa Tan para sa walong bilang ng kasong graft dahil sa umano’y maanomalyang pagbili ng P16.1 milyong halaga ng emergency supplies noong 2001.
Base sa decision ng anti-graft court Fourth Division, “guilty beyond reasonable doubt” ng walong bilang ng paglabag sa kasong Anti-Graft and Corrupt Practices Act si Tan.
Bukod dito, pinagbawalan din ng Sandiganbayan si Tan na tumakbo bilang gobernador sa darating na May election at sa anumang posisyon sa gobyerno, subalit mananatili namang balido ang kandidatura ng kongresista hanggang wala pang pinal na desisyon ang korte.
Guilty rin ang hatol ng korte laban sa kapwa akusado ng mambabatas na sina Rolando Montejo at Reynaldo Yabut at hinatulan ng 8 hanggang 15 taong pagkakakulong, habang abswelto naman sina Romeo Reales, Maximo Sison at Numeriano Legaspi dahil sa kabiguan ng prosekusyon na mapatunayang guilty sila.
Nag-ugat ang kaso matapos na magreklamo si Fr. Noel Labendia, ang parish priest ng Diocese of Calbayaog at founding leader ng Isog Han Samar Movement na isang anti-corruption group sa lalawigan.
Sa reklamo ni Labendia, nakipagsabwatan umano sina Tan na noon ay gobernador sa pag-apruba sa maanomalyang pagbili ng P16.1 milyong emergency supplies ng walang public bidding.
Kabilang din umano sa binili ay ang bigas at medical supplies para sa mga biktima ng bagyong Kidang na nanalasa sa lalawigan noong 2001 subalit nadiskubre na ang requests para rito ay ginawa bago pa manalasa ang nasabing bagyo.
- Latest