Hirap bumangon sa umaga? Genetic 'yan — UK study
MANILA, Philippines — Posibleng may kinalaman ang kahirapan mong gumising kada araw sa iyong genes, 'yan ang natuklasan ng mga mananaliksik sa isang bagong pag-aaral sa Europa.
Tinignan ng research ang genetic data na nakuha mula sa DNA testing website na 23andme at British "biobank" upang lalong maintindihan kung bakit may mga "morning lark" at "night owl."
Sinuri ng study ang datos mula sa 697,828 katao at nakitang nakatali sa maraming genetic factors ang waking patterns.
"This study is important because it confirms that your morning or evening preference is, at least to some extent, determined by genetic factors," ani Michael Weedon, propesor sa University of Exeter Medical school, na nanguna sa pag-aaral.
Dati nang iniuugnay ang 24 genes ng tao sa oras ng pagtulog, ngunit nalaman sa panibagong study, na inilabas sa Nature Communications journal noong Miyerkules, na may dagdag 327 genes na naka-iimpluwensya rito.
Sa unang bahagi ng research, tinignan ang genes ng mga "morning person" at "evening person."
Inobserbahan nila ang impormasyon na nakalap mula sa mga trackers na isinuot sa 85,760 kalahok sa UK Biobank upang makita ang kani-kanilang sleeping patterns.
Kaya raw na mausog ng mga naturang genes ng hanggang 25 minuto ang oras ng paggising ng tao. Gayunpaman, wala pa namang nakikitang direktang kaugnayan dito ang haba at kalidad ng tulog.
Inaral din nila kung bakit naiimpluwensyahan ng ilang genes kung kailan nakatutulog at nagigising ang tao, at napansing may pagkakaiba ang reaksyon ng mga utak sa ilaw at paggana ng internal body clocks.
Genes, sleeping patterns at mga sakit
Para subukin ang matagal nang mga teorya hinggil sa patterns ng pagtulog at ilang karamdaman, sinilip din ng researchers ang kaugnayan ng "morning" at "evening" genes sa ilang sakit.
Ipinakita ng kanilang analysis na mas malaki ang risk ng mental health problems sa mga may genetic tendency matulog nang mas huli.
Lumabas ding mas kakaunti ang nakararanas ng depression at schizophrenia sa mga madalas gumising at matulog nang maaga.
Aminado naman si Weedon na hindi pa klaro kung ang kaugnayan ay resulta ng pagiging "morning person," o kung mas komportable lang para sa mga maagang gumising ang 9 a.m. to 5 p.m. work schedule.
Tinitignan naman ng mga researcher kung makasasama sa mga "evening people" ang pagiging aktibo sa umaga.
Aaralin pa naman daw ang mga indibidwal na may mismatch sa pagitan ng sleep inclinations at kanilang lifestyles.
"For example, are individuals who are genetically evening people but have to wake up early because of work commitments particularly susceptible to obesity and diabetes?" tanong ng pag-aaral. — James Relativo
- Latest