2 patay sa pagsabog ng mosque sa Zamboanga City
MANILA, Philippines — Nasawi ang dalawa katao sa pagsabog ng isang mosque sa Zamboanga City, Miyerkules ng umaga.
Nangyari ang insidente sa Barangay Talon-talon pasado ala una ng umaga habang natutulog ang lahat ng biktima.
Sa ulat ng News5, sinabing umabot sa apat ang sugatan dahil sa insidente.
Narekober naman sa lugar ang safety pin ng granada na pinaghihinalaang ginamit sa pag-atake.
Kasama sa mga pumanaw ay dalawang Muslim preachers na kung tawagin ay "Tabligh."
Sa panayam ng CNN Philippines, sinabi ni Chief Superintendednt Emmanuel Licup, regional director sa Zamboanga Peninsula, na sinisikap na raw nilang malaman ang motibo at pagkikilanlan ng mga suspek.
Kinumpirma naman ni Licup na apat ang sugatan na naunang inulat na tatlo.
Kuneksyon sa Jolo bombing?
Naganap ang pagsabog tatlong araw matapos ang magkasunod na pagpaputok ng mga improvised explosive device sa simbhan ng Our Lady of Mount Carmel Cathedral in Jolo, Sulu. Nag-iwan ng mahigit kumulang 20 patay ang insidente.
Hindi pa naman natitiyak ng Zamboanga PNP kung maiuugnay ang pagsabog sa Jolo sa Zamboanga City.
"Wala pa pong link 'yung nangyari kaninang madaling araw sa nangyari sa Jolo. Nangyari po ito sa oras na walang tao. Nagkataon lang na 'yung mga nakikitulong doon ay Muslim preachers. Pero on a normal day, wala raw tao roon sa mosque," pahayag ni Zamboanga PNP spokesperson Chief Inspector Shelamae Chang sa panayam ng DZRH.
Bagama't wala pang natatanggap na direct threat sa Zamboanga City, sinabi ng pulisiya na hindi nila iniisangtabi ang pagiging malapit ng lungsod sa Jolo.
"Since Sunday po, nakatanggap po kami ng full-alert status. Nag-intensify po kami ng deployment ng personnel. Umiikot na rin po 'yung aming bomb squad para ma-ensure 'yung safety ng churchgoers," dagdag ni Chang.
Ikinalungkot naman ng ilang grupong Moro ang naganap na pagsabog.
Ayon sa Suara Bangsamoro, hindi katanggap-tanggap ang mga pag-atake na ikinasawi ng mga sibilyan.
"Suara Bangsamoro condemns the bombing in a masjid (mosque) in Barangay Talon-talon, Zamboanga City that left two dead and four wounded," ayon sa online statement ng samahan.
"Like the bombings at the cathedral in Jolo, the bombing at the masjid is reproachable. Attacks on civilian population are against all moral laws and are never justifiable." — James Relativo
- Latest