BOL plebiscite voting 'tagumpay' ayon sa Comelec
MANILA, Philippines — Tinawag na tagumpay at mapayapa sa kabuuan ng Cmmission on Elections (Comelec) ang plebisito sa Bangsamoro Organic Law (BOL) noong Lunes.
“Overall, the BOL plebiscite is successful. We just have to wait for the results (Sa kabuuan, ang plebisito para sa BOL ay tagumpay. Kailangan na lang nating antayin ang resulta),” ayon kay Comelec spokesperson James Jimenez.
Bagama't nabuksan ang lahat ng presinto, naantala ng apat na oras ang pagbubukas ng 24 sa 374 polling precints sa Cotabato dahil sa hindi pagdating ng mga kaguruan.
Nakatanggap daw ang mga pananakot ang mga guro kung kaya't hindi dumalo sa kanilang election duty.
Pinalitan naman daw ang mga guro sabi ni Jimenez, ngunit naapektuhan nito ang nasa 8,000 botante dahil sa mga delay.
Hindi pa naman nakapagdedesisyon mula kagabi ang Comelec kung palalawigin pa nila ito sa mga naapektuhang presinto.
Plebisito, inasahang maging mapayapa
Mapayapa naman daw ito sa kabuuan ayon kay Philippine National Police chief Director General Oscar Albayalde kahit na nagkaroon ng ilang insidente ng karahasan, kasama na ang pambobomba sa compound ng isang hukom sa Cotabato City noong Linggo, gabi ng plebisito.
“The plebiscite is foreseen to be peaceful because a majority of the electorate is in favor of the Bangsamoro Organic Law (Nakikitang mapayapa ang plebisito dahil karamihan sa mga botante ay pabor sa Bangsamoro Organic Law),” ayon kay Albayalde sa isang news briefing sa Camp Crame, Quezon City.
Lumalabas na 79% ng Muslim sa buong bansa ang pabor sa BOL ayon sa huling survey ng Social Weather Stations na inilabas noong Lunes.
"Normal" naman daw ang peace and order sa mga lugar kung saan naganap ang plebisito.
“I mean there is no specific fear outside of elections. You would see tension within the polling precinct among the supporters. But outside, there was hardly any (Ang ibig kong sabihin ay walang takot labas sa eleksyon. May makikita kang tensyon sa loob ng polling precinct sa mga taga-suporta. Pero sa labas, halos wala),” dagdag ni Jimenez.
Papalitan ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) sa ilalim ng Republic Act 11054 oras na ito'y maratipikahan.
Nakatakdang maglunsad ng plebisito sa 28 barangay sa North Cotabato labas sa ARMM na kasama sa BOL territories kung magiging positibo ang resulta ng plebisito.
Samantala, wala pa ring inilalabas na Certificate of Canvass of Votes (COCV) at Statement of Votes (SOV) kaninang 11:30 ng umaga ayon sa Comelec.
No Certificate of Canvass of Votes (COCV) and Statement of Votes (SOV) to canvass as of 11:30AM today. Session is adjourned. COMELEC En Banc to reconvene tomorrow, 23 January 2019, at 1PM. pic.twitter.com/l7fIFfmVAL
— COMELEC (@COMELEC) January 22, 2019
Gulo kaugnay ng eleksyon
Sinabi ni Albayalde na may granadang sumabog sa bahay ni Judge Angelito ng Upi municipal trial court sa Maguindanao noong Linggo.
Isa si Rasalan sa mga tutol sa BOL at kapatid ni Anecito Rasalan, na kalihim ni Mayor Cynthia Guiani-Sayadi na nangangampanya laban sa ratipikasyon ng BOL.
Dalawang lalaking sakay ng motorsiklo diumano ang namato ng granada sa compound ng hukom sa Barangay Rosary heights sa Cotabato City pasado alas-10 ng gabi.
Wala namang nasaktan sa pagsabog at nasira lamang ang bahagi ng compound ni Rasalan.
Nangyari ang pambobomba bago ang pamamaril sa bahay ni Atty. Omar Sema, na bahagi ng Bangsamoro Transition Commission na gumawa ng BOL.
Sinabi ni Albayalde na iniimbestigahan pa raw nila kung nangyari ang pagpapasabog dahil sa personal na alitan kay Rasalan.
“Something personal… It has nothing to do with the ongoing plebiscite (Personal ito... Wala itong kinalaman sa nangyayaring plebisito),” sabi niya.
Gayunpaman, hindi naman daw nila iniisantabi ang posibilidad na terorista ang may kagagawan nito.
Naniniwala naman si Rasalan na may kuneksyon sa BOL ang insidente dahil sumusuporta siya sa grupong tutol sa paglalagay ng Cotabato City sa BARMM.
“Vocal ako. Marami na nagsabi sa akin na magmenor ako,” sabi niya sa panayam sa telebison.
Hindi naman na raw kailangan pang dagdagan ang 20,000 pulis at militar na nagbabantay sa plebisito ayon kay Albayalde.
Ikinatuwa naman ng Commission on Human Rights (CHR) ang nangyaring BOL plebiscite.
“Not only does this exercise give way to the people’s right to political participation but, more importantly, asserts the right of Moros and non-Moros alike to self-determination (Maliban sa paghawan ng daan para sa pulitikal na paglahok, mas mahalaga na paggigiit ito ng karapatan ng mga Moro at 'di Moro na pamunuan at takdaan ang sarili),” ayon kay Jacqueline de Guia, tagapagsalita ng CHR, sa isang pahayag kahapon.
Wala namang ulat ng panggugulo sa botohan ayon sa director ng ARMM police na si Chief Supt. Graciano Mijares.
Naaresto ang 85 katao at nakumpiska ang 85 armas sa ARMM at ilang bahagi ng Central, Western, at Northern Mindanao simula ng campaign period para sa BOL mula ika-7 ng Disyembre. Maliban dito, 12 granada, at 589 bala ang nakuha ng mga otoridad.
Nagsagawa ng 120,216 checkpoints ang PNP sa kabuuan ng ARMM at iba pang bahagi ng Mindanao.
- Latest