400 security escorts ng mga pulitiko tinanggal ng PNP
MANILA, Philippines — Tinanggal ni PNP Chief P/Director General Oscar Albayalde and 400 police security detail ng mga pulitiko at mga Very Important Persons (VIPs ) kaugnay ng midterm elections sa May 13, 2019.
Inihayag ni Albayalde na alinsunod sa kautusan ni Pangulong Duterte ay dalawang pulis lang ang maaaring maging security detail ng mga kandidato na nangangailangan ng proteksyon.
Kailangan ding aprubahan muna ng Commission on Elections (Comelec) ang paghingi ng security escorts bago sila bigyan ng PNP.
Ayon kay Albayalde, kung kailangang mangampanya ang mga kandidato o dumalo sa mga political rallies ay kailangang makipag-koordinasyon ang mga ito sa mga himpilan ng pulisya kung saan gaganapin ang okasyon.
Nilinaw naman ng PNP chief na hindi dapat magkaroon ng maling interpretasyon ang mga pulitiko na may paborito sa kanilang mga kalabang kandidato ang kapulisan.
Sinabi ni Albayalde na ang koordinasyon sa deployment ng mga pulis tulad ng area security ay upang hindi na maulit pa ang pamamaslang kay Ako Bicol Rep. Rodel Batocabe at bodyguard nito na si SPO2 Orlando Diaz na pinagbabaril noong Disyembre 22, 2018 sa Daraga, Albay.
- Latest