State of calamity kay Usman

MANILA, Philippines — Isinailalim na sa state of calamity ang lalawigan ng Albay, Camarines Sur at Sorsogon sa Bicol Region gayundin ang bayan ng Baco, Oriental Mindoro sanhi ng malalakas na pag-ulan na nagdulot ng mga pagbaha at landslide dahil sa paghagupit ng bagyong Usman at Low Pressure Area (LPA).
Sa ulat ng Office of Civil Defense (OCD) Region V, isinailalim sa state of calamity ang Albay base sa report ni Gov. Francis Bichara matapos ang sesyon ng Sangguniang Panlalawigan.
Sumunod ding isinailalim sa state of calamity ang Camarines Sur ni Gov. Migz Villafuerte bunga ng matinding epekto ng bagyo sa kanilang lalawigan.
Ang Camarines Sur ang nagtamo ng pinakamaraming bilang ng mga nasawi sa bagyo na nasa 23 katao sa kabuuang 57 nasawi sa Bicol Region.
Nabatid na ang bagyong Usman na naging LPA ay nagdulot ng malawakang pagbaha at landslides sa lalawigan.
Bunga rin ng matinding epekto ng kalamidad ay sumunod na ring isailalim kahapon ng tanghali ang lalawigan ng Sorsogon.
Ayon naman kay Baco Mayor Reynaldo Marco, isinailalim na rin sa state of calamity ang kanilang bayan dahil sa matinding epekto sa nararanasang matitinding mga pagbaha sa halos buong bahagi ng kanilang bayan. Nasa 2,000 pamilya ang inilikas sa kanilang lugar.
Nagdulot din ang bagyo ng pagkawasak ng mga imprastraktura, agrikultura at mga kabahayan partikular na sa Bicol Region.
Naitala naman sa 68 kabahayan ang napinsala sa Albay kabilang ang mga naguhuan sa landslide.
Inihayag ni Cedric Daep, Albay Public Safety and Emergency Management Office na, sa pamamagitan ng state of calamity, magagamit nila ang calamity fund upang mabigyang tulong ang mga pamilyang grabeng naapektuhan ng bagyo.
Nangangailangan naman ng ‘potable water’ o malinis na maiinom na tubig ang mga pamilyang matinding sinalanta ng mga pagbaha dulot ng delubyo ni Usman at ng patuloy na nararanasang LPA.
- Latest

















