‘Samuel’ nag-landfall sa Iloilo, nagbabanta sa Luzon at Visayas
MANILA, Philippines — Nag-landfall na ang bagyong Samuel sa lalawigan ng Iloilo kahapon ng umaga na nagdulot ng malakas na pag-ulan doon habang patuloy na nagbabanta sa Luzon at Visayas.
Ala-una ng hapon kahapon, namataan ng PAGASA ang sentro ng bagyo 70 kilometro kanluran timog kanluran ng Iloilo City, Iloilo.
Taglay ni Samuel ang lakas ng hangin na umaabot sa 45 kilometer per hour at pagbugso na 70 kph.
Si Samuel ay kumikilos pakanluran timog kanluran sa bilis na 40 kph.
Bunga nito, nakataas ang signal number 1 ng bagyo sa Romblon, southern Occidental Mindoro, southern Oriental Mindoro at Palawan kasama na ang Calamian at Cuyo groups of islands sa Luzon gayundin sa Northern Negros Occidental, Guimaras, Iloilo, Capiz, Aklan at Antique sa Visayas.
Ang naturang mga lugar ay nakakaranas ng katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan na maaaring magdulot ng pagbaha at landslides laluna sa MIMAROPA, CALABARZON, Western Visayas, Aurora, Camarines Norte, Camarines Sur, at Catanduanes kayat ang mga residente dito ay patuloy na pinag-iingat.
Pinagbabawalan naman ang mga mangingisda doon na pumalaot sa karagatan dahil sa malalaking hampas ng alon.
Bukas, araw ng Biyernes, si Samuel ay lalabas na ng ating bansa.
- Latest