Malawakang bloodletting pangungunahan ng JCI Manila

MANILA, Philippines — Gaganapin ng premyadong leadership development organization na JCI Manila ang isang malawakang bloodletting program sa Setyembre 28, 2018. Mangyayari ito sa iba’t ibang panig ng bansa bilang pagdiriwang sa ika-35 taon ng gawad nitong St. Teresa of Calcutta Awards (STCA).
Inaasahan ng JCI na makakuha ng 8,000 donors sa tulong ng mga partners nito na Philippine Red Cross at GMA Kapuso Foundation at suporta ng iba pang institusyon gaya ng Philippine National Police at ng Alfonso Yuchengco (AY) Foundation.
Kaagapay din sa programa ng JCI Manila ang sister chapters nito na JCI Davaoeña Daba Daba, JCI Zugbuana ng Cebu, JCI Iloilo Ilang Ilang, at JCI Macajalar 24K ng Cagayan de Oro, pati na ang JCI Alabang.
Sabayang magaganap ang bloodletting program sa mga partner school nito gaya ng University of Santo Tomas, Mapua University, University of Perpetual Help - Biñan, University of Perpetual Help - Las Piñas, at Xavier School, at sa mga pampublikong lugar gaya ng Muntinlupa Sports Complex, Ayala Center Cebu, at SM City Masinag. Suportado rin ang programa ng Alumni Association of Xavier School, Jollibee, Aquabest, at SIP Purified Water.
Ang STCA ay itinatag noong 1983 ng JCI Manila at AY Foundation bilang pagkilala sa mga gawa ni Saint Teresa of Calcutta, tinaguriang “Living Saint” na walang atubiling tumulong sa mga nangangailangan. Taunang binibigyang parangal nito ang mga indibidwal na naglaan ng kanilang buhay sa paglilingkod sa kapwa—sa loob ng 25 taon o higit pa. Ipinararating ng gawad na ito ang kahalagan ng taos-pusong pagtulong sa mga mahihirap gaya ng ipinakita ni Saint Teresa.
- Latest



















