Trillanes walang nagawa sa mga sundalo

MANILA, Philippines — Ipinahiwatig kahapon ni Pangulong Duterte na mas may nagawa siya para sa mga sundalo kaysa kay Sen. Antonio Trillanes IV.
Sa kanyang talumpati sa Davao City, kinuwestiyon ng Pangulo kung tumaas ba ang sahod ng mga sundalo noong naging senador si Trillanes gayong malapit umano ito kay dating Pangulong Benigno Aquino III.
Ipinagmalaki ng Pangulo na isang beses lamang umano niyang sinabi na dodoblehin niya ang sahod ng mga sundalo at nagawa niya ito.
Ayon pa kay Duterte, pinaniniwala lamang umano ni Trillanes ang lahat na para siya sa kapakanan ng militar.
Inakusahan din ng Pangulo si Trillanes na isa umanong corrupt na lumalapit sa mga negosyante.
“He (Trillanes) became a corrupt guy, collecting diyan sa mga negosyante,” pahayag ni Duterte.
Samantala, sinabi rin ng Pangulo na hindi niya kailangang magsagawa ng loyalty check sa militar.
Matagal na umano niyang sinabi sa militar na dapat ay sa bandila lamang ng Pilipinas at sa Konstitusyon ibibigay ang kanilang katapatan.
Pinasinungalingan naman ni Trillanes ang paratang ni Duterte na wala siyang nagawa sa mga sundalo.
Alam umano ng mga kasundaluhan ang mga pasilidad na kanyang mga naipagawa at naisulong din niya ang Armed Forces of the Philippines Modernization Act.
- Latest
























