Panghuhuli ng tambay idinepensa ng PNP
MANILA, Philippines — Wala ni isa mang indibidwal na naghain ng reklamo sa paglabag sa karapatang pantao sa panghuhuli ng mga tambay.
Ito ang mariing depensa kahapon ni PNP Chief P/Director General Oscar Albayalde laban sa patutsada ng mga kritiko na lumalabag sa karapatang pantao ang kapulisan sa pagsunod kay Pangulong Duterte sa pag-aresto sa mga pakalat-kalat sa lansangan na lumalabag sa mga lokal na ordinansa.
“So let’s stop telling people and stop conditioning the minds of the people that these are all violations of human rights because not a single person as of this time, I say again not a single person, wala pang nag-complain that their rights were violated,” ani Albayalde.
Sa halip, sinabi ni Albayalde na kung may mga taong nagrereklamo na nilabag ang kanilang karapatang pantao sa panghuhuli ng mga tambay at hindi ang mga ito pansinin ng mga Chief of Police ay maari silang dumiretso sa kaniyang opisina sa Camp Crame.
Inihayag ni Albayalde na wala namang malaking isyu sa likod ng pagpapatupad ng panghuhuli ng mga tambay kundi lamang ito sinasakyan ng mga kritiko ng gobyerno.
Binigyang diin pa ni Albayalde na ang panghuhuli ng mga tambay ay dahil sa paglabag ng mga ito sa mga ordinansa at hindi paglabag sa karapatang pantao.
- Latest