Separation pay sa Marawi victims, ipinanukala
MANILA, Philippines — Upang mabigyan ng ayudang pinansyal ang mga mamamayang naapektuhan ng digmaan sa Marawi City, ipinanukala ni Lano del Sur 1st District Rep. Ansarrudin “Hooky” Adiong na magkaroon at maglaan ng benepisyong pinansyal o separation pay para sa mga ito. Sa inihaing House bill 7711 ni Adiong, hiling niya na mabigyan ng kabayaran ang mga nasa most affected area ng digmaan at ang mga nasa greater Marawi Area. Sa ilalim ng panukala, maglalaan ang pamahalaan ng P20-B na gagamiting Trust Fund na pagkukuhanan ng perang pambayad sa mga apektado ng limang buwang giyera.
Lilikha rin dito ng Board of Marawi Siege Compensation na pamumunuan ng pinuno ng Housing and Urban Development Council o HUDCC katuwang ang iba pang ahensya ng national at local government ng Marawi City at Lanao del Sur. Paliwanag ni Adiong, ang nasabing panukala ay magbibigay ng tulong sa kanyang mga kababayan na hanggang ngayon ay nahaharap sa krisis matapos lumikas sa kanilang mga bahay at negosyo kasunod ng giyera.
- Latest