Kano, 32 pa tiklo sa droga
MANILA, Philippines — Arestado ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Southern Police District (SPD) ang nasa 33 drug suspek kabilang ang isang Amerikano sa ikinasang mga operasyon sa Makati at Parañaque City kamakalawa.
Armado ng search warrant, sinalakay ng mga tauhan ng PDEA ang dalawang drug den sa may JB Roxas Street sa Brgy. Olympia, Makati City kamakalawa ng hapon na nagresulta sa pagkakadakip ng kanilang mga target na drug pusher na sina Reuben Jamon, alyas “Benny” at si Mercy Gudoy.
Nadakip din ang 11 parokyano ng iligal na droga na naaktuhan ng mga otoridad na umiiskor ng shabu sa mga drug den kabilang ang Amerikanong si Daniel Gruen. Umamin naman ang dayuhan na isa siyang adik at nangangailangan ng tulong sa pamahalaan para makawala sa bisyo habang iginiit na hindi siya tulak.
Ayon kay Ismael Fajardo, hepe ng PDEA National Capital Region, mismong mga residente sa naturang barangay na ang paulit-ulit na nagrereport sa kanila sa iligal na gawain nina Jamon at Gudoy kaya naisagawa ang pagsalakay.
Nakumpiska sa operasyon ang nasa 40 plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P300,000, drug paraphernalia, at isang pellet gun.
Sa Barangay La Huerta, Parañaque City, sinalakay kamakalawa ng mga tauhan ng Parañaque City Police-Station Drug Enforcement Unit ang isang bahay na ginagawang drug den at nagresulta sa pagkakadakip sa target na pusher na si Rose Cayubit, alyas “Yolly”. Nasa 19 pang user ng iligal na droga ang inaresto sa lugar.
Sinabi ni SDEU chief, P/Chief Insp. Jerry Amindalan na unang beses nilang napasok ang balwarte ni Cayubit dahil sa mga insidente ng pamamaril sa sinumang nagtutungo sa lugar na hindi kilala ng sindikato.
Nakumpiska sa drug den ang walong plastic sachet ng shabu, paraphernalia, P2,000 marked money, isang sumpak at dalawang bala ng shotgun.
- Latest