Validity ng appointment ni CJ sa SC, pinapakwestyon ni Alvarez
MANILA, Philippines — Iminungkahi ni House Speaker Pantaleon Alvarez sa Office of Solicitor General (OSG) na kwestiyunin ang validity ng appointment kay Maria Lourdes Sereno bilang Punong Mahistrado ng Korte Suprema.
Ito ay dahil ang sakop lamang umano ng proseso ng impeachment ng Kongreso ay iyong mga nagawa ni Sereno matapos itong maitalaga sa pwesto.
Subalit para sa mga paglabag na ginawa bago pa siya maitalaga bilang Chief Justice tulad ng hindi pagsunod sa requirements ng Judicial and Bar Council (JBC) ay patunay na invalid sa umpisa pa lamang ang kanyang appointment.
Ang ganitong usapin ng validity ay maaari umanong iakyat sa Korte Suprema at ito ang magdedeklara na dapat bumaba sa pwesto si Sereno.
Dahil wala pa umanong ganitong pangyayari sa bansa kaya maaari itong maging test case, ayon sa Speaker.
Sa sandali namang maideklarang invalid from the beginning ang appointment ni Sereno ay magiging imbalido din umano ang lahat ng naging desisyon niya.
Subalit ang Korte Suprema pa rin ang bahalang magresolba ng nasabing problema nito.
Samantala, sinabi naman ni Alvarez na dapat munang mag-relax, magbakasyon at mag-beach si Sereno habang hinihintay na maihain ang impeachment trial sa Senado.
- Latest