Taas presyo sa petrolyo, kuryente sisipa na
MANILA, Philippines — Aarangkada na ang malaking pagtataas sa presyo ng petrolyo ngayong darating na linggo habang sa Pebrero naman sisirit ang presyo ng kuryente dahil sa ‘excise tax’ dulot ng TRAIN (Tax Reform for Accelaration and Inclusive).
Sa datos buhat sa Department of Energy (DOE), nasa P2.97 ang dagdag na ‘excise tax’ sa petrolyo na mag-uumpisa na ngayong Enero 15. Dadagdag pa rito ang panibagong price hike dahil sa pagtataas sa presyo ng petrolyo sa internasyunal na merkado.
Tinatayang P.80-P.90 sentimos kada litro ang itataas sa gasolina kaya maaaring umakyat ang presyo nito ng P3.77-P3.87 kada litro.
Nasa P.40-P.50 sentimos kada litro naman ang iaakyat ng diesel at P3.20-P.3.30 kada litro ang maaaring itaas sa kerosene.
Dahil sa ‘excise tax’ rin sa coal at ‘value added tax’ sa ‘transmission charge’, inaasahan naman na aakyat ng P16.6 ang bill ng kuryente ngayong Pebrero sa mga kumokunsumo ng 200kwH kada buwan.
Paliwanag ng Manila Electric Company (Meralco), 30-33% ng suplay ng kuryente na kanilang ginagamit ay buhat sa mga ‘coal fire powered plants’ na nasapol ng bagong buwis.
Samantala, nakatakdang silipin naman ng DoE ang limang gasolinahan na namonitor nila na agad nagtaas ng presyo kahit hindi pa epektibo ang bagong buwis.
Bubusisiin umano nila ang mga dokumento ng naturang mga gasolinahan at ikukumpara sa dokumento na ibinigay ng kanilang head office upang mabatid kung nagkaroon ng pang-aabuso.
Maaari lamang umanong magtaas agad ng presyo ng kanilang produkto ang mga gasolinahan kung naubusan na ng lumang stock ng petrolyo at bagong suplay na ang kanilang ibinibenta.
Maaaring masampahan ng kasong ‘profiteering’ ang may-ari ng naturang mga gasolinahan kung mapapatunayan na nagkaroon ng pag-abuso.
- Latest