3 batang hinihinalaang nasawi sa Dengvaxia isinailalim sa forensic examination ng PAO
MANILA, Philippines — Mistula umanong iisa ang naging ugat ng kamatayan ng tatlong bata na nabakunahan ng dengvaxia.
Ito ayon kay PAO forensic consultant Erwin Erfe ay dahil nang ma-eksamin nila ang labi ng mga batang sina Anjielica Pestilos, 10, Zandro Colite, 11, at Lenard Baldonado, 10 ay lumalabas na sila ay pawang namatay sa loob ng anim na buwan makaraang sila ay mabakunahan ng Dengvaxia vaccines.
“Ang current count ng mga namatay allegedly because of Dengvaxia ay 19. As of yesterday, 3 na po‘ yung na-examine namin sa PAO forensic lab...humingi ng tulong sa amin ang mga magulang para ma-examine po ‘yung katawan nung namatay na bata, sa ngayon po ay kino-collate na namin ‘yung resulta ng examination at meron kaming nakikitang pattern doon sa mga sakit na kanilang naranasan bago sila namatay,”pahayag ni Erfe.
Anya, sila ay nakakita ng pagdurugo ng baga, tiyan at bibig ni Pestilos na namatay noong December 6 na halos kapareho ng kaso ni Baldonado na lumaki ang mga organs at dumugo ang utak.
Sinabi ni Erfe na si Zandro Colite taga-Imus, Cavite, ay na-examine rin nila at nalaman nila na bagamat sinasabing pumutok ang kanyang appendix pero mistulang hindi anya ito ang ugat ng kanyang kamatayan.
Binigyang diin ni Erfe na ang lahat ng kanilang nalaman sa kaso ng mga bata ay kanilang pinag aaralan ngayon at isasama nila ito sa kasong isasampa ng PAO na may kinalaman sa Dengvaxia.
- Latest