Impeachment vs Bautista tinapos na
MANILA, Philippines — Tinapos na ng House Committee on Justice ang proseso ng impeachment laban kay dating Commission on Elections (Comelec) chairman Andres Bautista.
Idineklarang “moot and academic” ni committee chair, Oriental Mindoro Rep. Reynaldo Umali ang impeachment complaint na inihain nina Atty. Ferdinand Topacio at dating Negros Oriental Rep. Jacinto Paras kay Bautista.
Ayon kay Umali, wala ng saysay para magsagawa pa ng articles of impeachment dahil tinanggap na ni Pangulong Duterte ang pagbibitiw sa puwesto ni Bautista.
Mas napadali rin anya ang kanilang trabaho matapos na gawing effective immediately ang resignation ni Bautista, na naunang nakatakda sa Disyembre 31, 2017.
Magkakaroon sana ng deliberasyon kahapon ang komite para sa articles of impeachment laban kay Bautista matapos mapagbotohan sa plenaryo.
Inihalimbawa naman ni Justice committee vice chairman Doy Leachon ang kaso ni Bautista kay dating pangulong Joseph Estrada na nilisan ang Malakanyang na nangangahulugan na bumaba na siya sa pwesto.
Ganito rin umano ang nangyari kay Bautista na kung saan matapos na ianunsyo na tinatanggap ang pagbibitiw nito ay agad din itong tumalima at umalis sa kanyang tanggapan sa Comelec.
Dahil dito, hindi na rin itutuloy ng Senado ang impeachment trial ni Bautista.
Ayon kay Senate Majority Leader Tito Sotto, wala na silang patatalsikin sa puwesto kaya hindi na rin tuloy ang trial.
Balak naman ni Sen. Chiz Escudero, chairman ng committee on banks, currencies and financial institutions na ituloy ang imbestigasyon tungkol sa sinasabing mga bank accounts ni Bautista.
Sinabi ni Escudero na depende rin sa mga author ng resolusyon kung kailan nila nais ipatawag sa pagdinig si Bautista. (
- Latest