Klase paralisado kay Gorio
MANILA, Philippines - Paralisado kahapon ang klase sa lahat ng antas sa Metro Manila at karatig probinsiya dahil sa masamang panahon dulot ng bagyong Gorio na pinapalakas ng habagat.
Dahil sa magdamagang ulan ay nagsuspindi ng klase ang pamahalaang lungsod ng Maynila, Quezon City, Malabon City, Navotas City, Valenzuela City, Caloocan City.
Apektado din ang mga lalawigan ng Cavite, Bulacan, Bataan at Rizal.
Napilitan namang pauwiin ng maaga ang mga empleyado sa ilang tanggapan ng gobyerno.
Alas-3 ng hapon kahapon, namataan ang sentro ni Gorio sa layong 615 kilometro silangan ng Casiguran, Aurora.
Taglay ni Gorio ang lakas ng hanging umaabot sa 75 kilometro bawat oras malapit sa gitna at may pagbugso ng hangin na umaabot sa 90 kilometro bawat oras.
Si Gorio ay kumikilos pahilaga hilagang kanluran sa bills na 13 kilometro bawat oras.
Ayon kay Pagasa forecaster Lorie dela Cruz, lalo pang lumakas ang bagyong Gorio, kaya lumakas din ang paghatak nito sa hanging habagat.
Dahil dito posible umanong maulit pa ang halos maghapong pagbuhos ng ulan sa malaking parte ng Luzon.
Nilinaw naman ng Pagasa na hindi ang direktang epekto ng bagyo ang nararanasan sa Luzon at Western Visayas, kundi ang malakas na pag-iral ng habagat na hinahatak ni Gorio at ng bagong low pressure area (LPA) na nabuo sa South China Sea.
Patuloy na makakaranas ng malakas na ulan ngayon ay ang western section ng Luzon.
Hindi pa inaasahang magla-landfall o tatama ang sentro ng bagyo sa bansa.
Pero magdadala pa rin ito ng mga isolated thunderstorms o paminsan-minsang pag-ulan sa Bicol Region.
Inaasahang magtatagal sa bansa si Gorio hanggang sa Lunes na nasa 700 kilometro ng hilagang silangan ng Basco, Batanes sa araw na ito.
Wala namang itinaas na anumang tropical cyclone signal warnings ang PAGASA.
- Latest