Cayetano sa DFA, Año sa DILG
MANILA, Philippines - Itinalaga kahapon ni Pangulong Duterte si Sen. Alan Peter Cayetano bilang susunod na Department of Foreign Affairs (DFA) secretary habang hinirang niya si Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Gen. Eduardo Año bilang kalihim ng Department of Interior and Local Government (DILG).
Sinabi ni Pangulong Duterte, nilagdaan na niya kahapon ang appointment papers ni Sen. Cayetano bilang DFA secretary bago siya lumipad patungong Cambodia upang dumalo sa World Economic Forum (WEF).
“Sen. Cayetano will be the next DFA chief and I already signed his appointment papers before leaving for Cambodia,” pahayag ni Duterte sa kanyang pre-departure message sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2 para sa kanyang biyahe sa Cambodia, Hongkong at China
Si Cayetano na running mate ni Duterte noong May 2016 Presidential elections, ay kasalukuyang nasa Geneva Switzerland para sa isang pagpupulong ng United Nations Commission on Human Rights.
Unang itinalaga na officer-in-charge ni Pangulong Duterte sa DFA si Usec. Enrique Manalo kapalit ng hindi nakapasa sa Commission on Appointments (CA) na si Atty. Perfecto Yasay Jr.
Sinabi ni Pangulong Duterte na kailangan niya ang isang katulad ni Gen. Año sa DILG upang disiplinahin ang mga pulis na mga abusado.
“You need somebody who knows the police by the fingertips,” paliwanag ng Pangulo sa pagpili kay Año.
Magugunita na sinibak ni Duterte si dating DILG Sec. Mike Sueno dahil sa isyu ng fire trucks at itinalaga bilang officer in charge si Usec. Catalino Cuy. Nakatakdang magretiro si Año sa Oktubre 26, 2017.
Idinagdag pa ng Pangulo, tatapusin muna ni Año ang nalalabing termino nito bilang AFP chief upang magawa ang kanyang mga programa para sa AFP.
- Latest