Revilla pinagbigyan ng Sandigan
MANILA, Philippines - Pinagbigyan ng Sandiganbayan first division ang kahilingan ni dating senador Ramon “Bong” Revilla Jr. na madalaw sa ospital ang kanyang ama na si Ramon Revilla Sr.
Subalit hindi naman pinayagan ng Korte ang hiling ng dating senador na anim na oras makasama ang kanyang 90-taong gulang na ama sa St. Lukes Medical Center-Global City sa Taguig at sa halip ay pinayagan lamang siya na umalis sa kanyang kulungan ng alas-6 hanggang alas-9 ng umaga sa halip na hanggang alas-12 ng tanghali.
Bukod dito si Revilla Jr. din ang dapat na gumastos sa kanyang paglabas sa Philippine National Police (PNP) Custodial Center sa Camp Crame.
Base sa kanyang mosyon, sinabi ng batang senador na sasailalim ang kanyang ama sa gastroscopy at colonoscopy sa Marso 18 matapos umanong magkaroon ng pneumonia at occult gastro-intestinal bleeding.
Matatandaan na si Revilla Jr. ay nahaharap sa kasong plunder kaugnay ng pork barrel fund scam.
Nauna na rin pinayagan ang dating senador noong Disyembre 16, 28 at 29 na madalaw ang kanyang ama.
- Latest