Pichay duda sa banta ni Speaker
MANILA, Philippines - Naniniwala si Surigao del Sur Rep. Prospero Pichay na aatras si Speaker Pantaleon Alvarez sa banta nitong sipain sa puwesto ang mga lider ng Kamara na hindi sumuporta sa panukalang ibalik ang parusang kamatayan.
Sinabi ni Pichay na nakuha naman na ng liderato ng Kamara ang gusto nila at malaki ang bilang ng mga bomoto pabor sa House bill 4727 o death penalty bill.
Dahilan dito kaya wala umanong pangangailangan para tuluyan ni Alvarez na alisin sa pwesto ang mga tumutol sa panukala.
Paliwanag pa ng kongresista, maaari pa umanong itong magdulot ng tensyon sa super majority coalition gayung marami pang prayoridad ang administrasyon na gustong ilusot sa kongreso.
Tiwala rin si Pichay na hindi gagalawin ni Speaker sa pwesto si dating Pangulong Gloria Arroyo bilang Deputy Speaker sa kamara.
Balewala rin umano kay Arroyo ang banta ni Alvarez dahil kung tutuusin ay maliit na bagay para dito ang pagiging Deputy Speaker lalo pa at naging pinakamataas na opisyal na siya ng bansa.
- Latest