Ex-DSWD Sec. Cabral kasuhan sa P9-M PDAF scam - Ombudsman
MANILA, Philippines – Ipinag-utos ni Ombudsman Conchita Carpio Morales na kasuhan ng two counts ng graft at isang count ng malversation at Malversation thru Falsification of Public Funds si dating DSWD Secretary Esperanza Cabral at iba pa kaugnay sa maanomalyang paggamit ng P9 milyong PDAF ni dating 2nd district North Cotabato Rep. Gregorio Ipong.
Kapwa akusado ni Cabral si Ipong na ngayo’y Vice Governor ng Cotabato gayundin sina DSWD Undersecretary Mateo Montaño, Chief Accountant Leonila Hayahay at Roberto Solon ng Economic and Social Cooperation for Local Development Foundation, Inc. (ECOSOC).
Ang kasong ito ni Ipong ay iba pa sa naunang graft at malversation case hinggil sa paggamit ng kanyang P10 milyong PDAF.
Sa kasong ito, napatunayan ng Ombudsman na maanomalya ang naging paggamit ng dating mambabatas sa kanyang P9.4M PDAF na naipalabas sa pamamagitan ng isang Special Release Allotment Order noong January 2007.
Ang pondo ay laan sana sa mahihirap na mamamayan ng North Cotabato para sa medical missions, health materials at pamamahagi ng mga gamot para sa 75 marginal families na magbebenepisyo sana ng P120,000 kada pamilya.
Sinasabing inatasan ni Ipong ang DSWD na maging implementing agency sa pamamagitan ng ECOSOC, bilang NGO-partner pero napatunayan na walang natanggap na benepisyo ng proyekto ang mga mamamayan sa nabanggit na lugar.
Wala din umanong naisagawang bidding sa pagsasagawa ng proyekto.
Itinanggi din ng medicine supplier na Ace Pharmaceuticals na sila ay may business transaction sa ECOSOC para magsuplay ng mga gamot.
- Latest