‘Nina’ hahagupit!
MANILA, Philippines - Posibleng lumakas pa at maaaring maging matindi ang bagyong Nina bago ito mag-landfall sa bahagi ng Bicol ngayong Pasko.
Ayon kay Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) weather forecaster Obet Badrina, posibleng magtaas ng Tropical Cyclone Warning Signal number 2 o 3 sa Eastern Visayas at Bicol Region.
Nagbabala naman si National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Undersecretary Ricardo Jalad sa malalakas na pag-ulan at hangin ng bagyong Nina.
Ayon kay Jalad, ang tropical cyclone na maaaring maging malakas na bagyo (118 hanggang 220 KPH) ay tatama sa kalupaan ng Bicol Region sa linggo ng hapon o gabi (Disyembre 25).
Ang bagyong Nina ay nakaambang tumawid sa Southern Luzon kabilang ang Metro Manila at lalabas sa kalupaan via Bataan-Zambales area.
Nagbabala si Jalad sa malalakas na paghangin na posibleng ikawasak ng mga istraktura, ikabuwal ng mga puno at billboards.
Inaasahan rin ang storm surge sa mga baybayin ng Quezon, Bicol, Samar kapag naging mabalasik ang bagyong Nina.
Kaugnay nito, nagbabala rin si Jalad sa mga sasakyang pandagat na ipagpaliban na muna pansamantala ang mga pagbiyahe bunga ng masamang panahon lalo na sa karagatan ng Bicol Region at maging sa Samar area.
Samantala, mararanasan ang mga malalakas na pag-ulan sa Metro Manila sa Lunes hanggang Martes.
Base sa alas-11 weather forecast ng PAGASA, si Nina ay namataan sa layong 790 kilometro sa Guiuan, Eastern Samar.
Taglay nito ang lakas ng hanging nasa 105 kilometer per hour malapit sa gitna at bugso ng 130 kph.
Ang inaasahang dami ng ulan na ibabagsak nito ay mula katamtaman hanggang matinding pag-ulan sa loob ng 350 km diameter ng bagyo.
Mapanganib din sa mga nagbibiyahe sa karagatan sa bahagi ng northern seaboard ng Nothern Luzon. Nagbabala rin ang kagawaran sa mga maapektuhang lugar ng posibleng pagguho ng lupa, pagbaha at mataas na alon.
Ang bagyong Nina ay pumasok na sa Philippine Area of Responsibility (PAR) dakong alas-3 ng madaling araw ng Biyernes.
Inaasahang lalabas ang bagyo sa Miyerkules.
- Latest