P2K hike sa SSS pension tiniyak
MANILA, Philippines – Siniguro ng isang kongresista na iaakyat na sa plenaryo bago mag-Christmas break ang panukalang magdadagdag ng P2,000 pension sa mga miyembro ng Social Security System (SSS).
Ayon kay North Cotabato Rep. Jesus Sacdalan, chairman ng House Committee on Government Enterprises and Privatization, itinakda na nila sa Nobyembre 15 ang pag-apruba sa committee report para sa SSS pension hike bill na napagbotohan nila noon pang September.
Iginiit ni Sacdalan na may presensiya man o wala ang mga opisyal ng SSS sa kanilang hearing sa nasabing petsa ay gagawin nila ang approval sa committee report para maiakyat na sa plenaryo ang panukalang ito bago pa sila mag-Christmas break.
Matatandaan na nitong Oktubre 18 ay isasalang na sa botohan ang committee report ng SSS pension hike subalit hindi natuloy dahil wala umanong sumipot na taga-SSS.
Mayroong 16 SSS pension hike bills sa Kamara at kinakailang pagsamahin sa iisang bersyon na isusumite sa plenaryo.
Para naman kay Paranaque Rep. Gus Tambunting, wala nang dahilan para maantala pa ang pagpapatibay ng nasabing panukala dahil masusi na itong napag-aralan noong 16th Congress.
Ayon kay Tambunting, gusto ring patunayan ng mga kongresista sa mga opisyal ng SSS na ang pension hike ay mapopondohan.
Giit pa ni Tambunting, kailangang palakasin ng SSS ang collection efficiency nito na ngayon ay nasa 40% at ibenta ang mga nakatenggang assets ng ahensiya para pondohan ang dagdag na pension.
- Latest