^

Bansa

NBP riot: Drug lord utas! JB, Peter Co, 2 pa sugatan

Lordeth Bonilla at Joy Cantos - Pilipino Star Ngayon

MANILA, Philippines – Sa kabila ng mahigpit na pagbabantay ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) sa New Bilibid Prison (NBP) dahil sa isyu ng seguridad at malawakang kalakalan ng droga, sumiklab ang riot sa pagitan ng mga high profile inmates na ikinasawi ng isang drug lord habang apat pa mula sa tinaguriang “Bilibid 19” ang malubhang nasugatan kabilang ang kontrobersyal na si Jaybee Sebastian sa kasagsagan ng umano’y “drug pot session” sa loob ng Building 14 ng NBP maximum security compound sa Muntinlupa City kahapon ng umaga.

Batay sa ulat ng Bureau of Corrections (Bucor), dead-on-arrival sa Medical Center of Muntinlupa (MCM) ang drug lord na si Tony Co, na-convict sa kasong kidnapping matapos magtamo ng mga tama ng icepick sa katawan habang nasa kritikal na kondis­yon ang mga kasamahan na sina Peter Co at Vicente Sy dahil sa mga tama ng saksak sa katawan. Sumailalim naman sa operas­yon si Sebastian, umano’y ‘hari’ ng mga drug lords sa NBP dahil sa tinamong saksak at mga galos sa katawan habang ang inmate pang si ex-Major Clarence Dungael, convicted sa kasong kidnapping at murder ay nagtamo rin ng saksak sa katawan.

Ayon kay BuCor officer-in-charge (OIC) Rolando Asuncion, dakong  alas-7:40 ng umaga habang umano’y humihitit ng shabu sa Building 14 ng maximum security compound sina Tony Co; Peter Co at Vicente Sy sa bandang lutuan ng kanilang selda nang maaktuhan umano sila ni Dungael dahilan upang sitahin niya ang mga nabanggit na kapwa inmate, dahil sa pangambang madadamay silang lahat. Dahil dito, nagalit si Tony Co at habang papahiga na umano si Dungael ay sinugod siya ng saksak hanggang sa mauwi sa riot na ikinasugat din ni Sebastian.

Sinabi ni Asuncion, umabot lamang ng halos isang minuto ang natu­rang riot dahil mabilis na nakapagresponde ang grupo ng SAF.

Mabilis na isinugod ang mga preso sa nasabing ospital subalit idineklarang patay si Tony Co.

Ibang bersyon naman sa panig ng kampo ni Sebastian sa nangyari matapos ihayag ng abogado nito na si Eduardo Arriba na walang naganap na pot session sa Bldg 14 dahil basta na lamang umanong sinugod ng saksak ang kanyang kliyente habang nanonood sila ng telebis­yon. Hinala ng kampo ni Sebastian, may kaugnayan ang insidente sa nagaganap na pagdinig sa Kamara.

Si Sebastian ay lider ng Commando Gang at kasama nito sa grupo sina  Peter Co; Tony Co at Vicente Sy habang si Dungael, mi­yembro ng Batang City Jail (BCJ) ay ka-grupo umano ni Herbert Colanggo, isa ding convicted drug lord na kabilang sa mga inmate na tumestigo sa Kamara laban kay Senator Leila De Lima.

Iginiit naman ni Asuncion na simpleng riot lamang ang nangyari at nasa 90 porsiyento na ang nalinis  nila. Posible aniyang ang mga shabu na nakuha ng mga inmates ay yung mga tira-tira na nakabaon.

Base sa rekord, nasa 16,000 bilanggo ang nakakulong sa maximum security compound, 38 preso ang nasa Bldg. 14 kabilang dito ang tinaguriang “Bilibid 19” o ang mga tinuturing na “high profile inmates” katulad nina Sebastian; Colanggo, Peter at Tony Co, Vicente Sy, Dungael, Tomas Donena at Edgar Cinco.

Narekober sa lugar ang isang ice pick at tini­tingnan na ng pamunuan ng BuCor ang kuha ng CCTV sa riot.

Ayon naman kay PNP chief Ronald “Bato” dela Rosa, dahil sa tumitinding alitan sa pagitan  ng mga drug lords sa NBP ang sanhi ng madugong riot.

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with