Buwelta ni Leila: Digong umabuso ka!
MANILA, Philippines - Inabuso umano ni Pangulong Rodrigo Duterte ang paggamit ng kanyang “executive power” sa ginawa nitong pag-atake kay Senator Leila de Lima na tahasan niyang inakusahan na isang imoral at nakinabang sa pera mula sa droga sa pamamagitan ng kanyang driver na siya rin nitong ‘lover’.
Emosyonal na humarap sa media kahapon si de Lima matapos na wasakin ng Pangulo ang kanyang pagkatao at maging ang kanyang pagkababae sa publiko kamakalawa.
Ayon kay de Lima, hindi niya kayang ilarawan ang nararamdamam matapos siyang atakihin ng pinakamataas na opisyal ng bansa. Aniya, wala siyang laban sa personal na atake ng Pangulo na may tinatawag na “immunity from suit” at may sinasandalang executive power. Pero ang ginagawa umano sa kanya ng Pangulo ay isang pag-abuso sa kapangyarihan.
“This is no less than abuse and misuse of executive power. I don’t think the Constitution has ever contemplated such abuse of power on such scale, as it assumes every President to conduct himself in a manner befitting the office he holds,” ani de Lima.
Sa kabila nito, nanindigan si de Lima na ipagpapatuloy pa rin niya ang kanyang tungkulin kasabay ng paniwalang ang ginawang personal attack ng Pangulo ay may kinalaman sa pagsusulong nito ng imbestigasyon sa Senado hinggil sa extrajudicial killings o pagpatay sa mga sangkot sa ilegal na droga.
Diin ni de Lima, posibleng mangyari rin sa sinuman na hindi susunod sa kagustuhan ni Duterte ang ginawang pag-atake sa kanya.
Inamin ni de Lima na nasasaktan rin siya at natatakot hindi para sa buhay ng kanyang mga mahal sa buhay. Inisip pa niyang itigil na lamang ang imbestigasyon para matigil na rin ang personal na pag-atake sa kanya subalit bandang huli ay nanindigan pa rin siya bunsod ng kanyang prinsipyo.
“Kagalang-galang na Pangulo, Your Excellency, naisip ko na rin po na itigil na ang imbestigasyon sa mga summary executions kung iyon ang gusto ninyo para lamang matigil ang mga personal na atake sa akin. Sumagi na rin po sa isipan ko na itigil ang imbestigasyon kapalit ng katahimikan sa aking buhay,” ani de Lima.
Sinabi pa ni de Lima na hihintayin na lamang niya na sampahan siya ng reklamo at umapela na bigyan siya ng pagkakataong ipagtanggol ang sarili.
“Pangulo po kayo. Senador lamang po ako. Patas na laban lamang po ang aking hinihingi. Sana ay ibigay ninyo sa akin ang ibinigay na rin naman ng batas at Konstitusyon sa kahit na kaninong naaakusahan sa ilalim ng ating sistemang pang-legal,” dagdag ni de Lima.
Hindi direktang sinagot ng senadora ang mga akusasyon ng Pangulo kaugnay sa umano’y driver-lover nito na nangongolekta ng drug money sa New Bilibid Prison habang ang senadora pa ang tumatayong kalihim ng Department of Justice na nasa ilalim nito ang Bureau of Corrections o NBP.
Ayon naman kay Presidential Spokesman Ernesto Abella, punong-puno na umano ang Pangulo sa “pagmamalinis” ni de Lima na pumopustura na may mataas na moralidad at walang habas sa pag-atake sa anti-drug war ng gobyerno kung saan ay pilit na inuugnay ang chief executive sa extra-judicial killings na nagaganap.
“He has taken umbrage with Sen de Lima’s approach, of not only taking the moral high ground with regard to drug-related deaths, but her assumptions that said deaths are directly attributable to PRRD’s War on Drugs,” ani Sec. Abella kahapon.
- Latest