Libreng WiFi sa MRT-3
MANILA, Philippines – Magkakaroon na ng libreng wifi access ang daan-daang libong mananakay ng Metro Rail Transit (MRT)-3.
Ito ang magandang ibinalita kahapon ng Department of Transportation and Communication (DOTC) kaugnay sa libreng wifi na ipagkakaloob ng Globe Telecom Inc.
Ayon sa (DOTC), nakipag-ugnayan sa kanila ang Globe para mag-set up ng wireless internet sa MRT-3 na maaaring magamit ng libre ng mga pasahero sa loob ng 30-minuto kada-araw.
Anang DOTC, malaking tulong sa halos kalahating milyong pasahero ng MRT-3 araw-araw ang libreng paggamit ng wifi upang makipag-ugnayan sa kani-kanilang mahal sa buhay, personal at business transaction.
Samantala, naghahanap ngayon ang DOTC ng 30 bagong makinista/train operator na siyang hahawak at magpapatakbo sa mga bagong dating na bagon ng MRT-3.
Ayon kay Roman Buenafe, general manager ng MRT-3, ang paghahanap nila ng karagdagan 30 makinista at madaragdag sa 90 train operator ngayon ng MRT. Sa ngayon, walo na ang dumating sa bansa sa kabuuang 48 bagong bagon na binili ng DOTC sa Dalian Locomotive and Rolling Stock Co. sa bansang China.
Aniya, matutuldukan na ang halos araw-araw na aberya sa MRT-3 sa oras na mai-deliber lahat ang mga inangkat nilang mga bagong tren.
Ang MRT-3 ay bumibiyahe sa kahabaan ng Edsa mula sa North Avenue, Quezon City patungong Taft Avenue, Pasay City at vice versa.
- Latest