Komiks ni Roxas pinapatigil
MANILA, Philippines – Pinapatigil ni Anakpawis partylist Rep. Fernando Hicap ang pagpapakalat o pamamahagi ng mga comic strip ni LP bet Mar Roxas.
Giit ni Hicap, dapat humingi ng tawad ang kampo ni Roxas sa mga biktima ng bagyo dahil sadyang mali ang ginawa nitong paggamit sa naturang trahedya.
Ang tinutukoy ni Hicap ay ang komiks na nagpapakita ng umano’y kabayanihan ni Roxas noong panahon ng pananalasa ng Supertyphoon Yolanda sa Eastern Visayas noong 2013.
Ayon kay Hicap, hindi lamang isang “work of fiction” ang comic strip ni Roxas, kundi pinaka nakakainsultong political ad ng administration bet para lamang mapalakas ang kandidatura nito.
Nauna nang sinabi ng kampo ni Roxas na gawa raw ng supporters nito ang kontrobersyal na comics upang maipaalam ang mga ginawa ng dating DILG chief noong tumama ang Yolanda.
Sabi naman ni Comelec spokesman James Jimenez, walang batas na nagbabawal sa paglalabas ng komiks o anumang magazine type na political materials. Aniya, hindi ito bawal at dati na ring ginamit ng ibang kumandidato noong mga nakaraang eleksyon.
Kailangan lamang ideklara ang gastos sa paglikha nito upang maisama sa record ng campaign contributions and spending para sa ikinakampanyang politiko.
- Latest