SSL 4 may pag-asa

MANILA, Philippines – Malaki pa rin ang posibilidad na mapagtibay ang Salary Standardization Law (SSL) 4 kahit mayroon na lamang tatlong araw na natitirang sesyon ang Kongreso.

Ayon kay House Majority leader Neptali Gonzales, tiyak na magpupulong sina House Speaker Feliciano Belmonte, Senate President Franklin Drilon at  Budget Secretary Butch Abad para hanapan ng win-win solution ang deadlock ng Senado at Kamara.

Paliwanag ni Gonzales, na makakatulong pa ang limitadong panahon ng sesyon para ma-pressure ang mga mambabatas na magkasundo na sa iisang bersyon ng SSL 4 upang maibigay ngayong taon ang umento sa sahod ng 1.5 milyon na opisyal at kawani ng gobyerno.

Matatandaan na ang deadlock sa Bicameral conference committee ng dalawang kapulungan ay nag uugat sa isyu ng indexation ng pension ng mga sundalo.

Base sa  bersyon ng Kamara, pinasususpinde ang indexation ng pension ng mga sundalo dahil walang pondo para ditto samantalang sa Senado ay ipinalalagay pa rin ito sa SSL4 subalit may probisyon na magsasabing subject to availability of funds.

Sinabi ni Gonzales, na pabor ang military sa kanilang bersyon dahil maaari namang I lift ng Kongreso ang suspension ng indexation anumang oras na magkaroon na ng available na pondo.

Dalawa lamang naman umano ang pagpipilian dito, ang magpatuloy ang deadlock dahil sa isyu ng indexation o ang ituloy ang SSL 4 para sa kapakanan ng higit nakakaraming 1.5 milyon na kawani ng pamahalaan.

Show comments