PDEA kukuha ng may 100 bagong tauhan
MANILA, Philippines – Upang mas lalong mapag-igting ang paglaban sa lumalalang problema sa iligal na droga sa bansa, magdaragdag ng 100 tauhan ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) upang makatulong sa kanilang ahensya.
Ayon kay PDEA Director General Undersecretary Arturo G. Cacdac Jr., ang sinumang makakapasok sa kanilang ahensya ay mapapabilang sa entry level position bilang Intelligence Officer 1 (IO1), isang permanenteng item na may Salary Grade 11 at magiging parte ng isang elite anti-drug law enforcement organization sa bansa.
Gayunman, kailangan ang mga aplikante nasa pagitang ng edad na 21-35, may taas na 5’ (babae) at 5’2” (lalaki), isang Baccalaureate Degree, Career Service Eligible o Board Passer sa Professional Regulation Commission (PRC), physically fit at computer literate.
Para naman sa mga aplikante na miyembro ng isang ethnic group, kailangang mayroon silang certificate na inisyu ng National Commission on Indigenous People.
Ang mga kuwalipikadong aplikante ay kukuha ng qualifying examinations, neuro-psychiatric tests, medical at dental examinations at physical fitness test, at isasailalim sa background investigation at panel interview.
Sa sandaling ma-recruit, isasailalim muli sila sa anim na buwang comprehensive at regimented Drug Enforcement Officer Basic Course (DEOBC) training sa PDEA Academy, Camp General Mariano N. Castañeda, Silang, Cavite.
Ang sinumang interesado, dagdag pa ni Cacdac ay ipadala lamang ang kanilang Personal Data Sheet (PDS Civil Form 212, 2005 Revised, o mag download ng form sa www.csc.gov.ph) sa PDEA Academy Liaison Office, PDEA National Headquarters, NIA Northside Road, National Government Center, Barangay Pinyahan, Quezon City, o sa PDEA Academy, Camp General Mariano N. Castañeda, Silang, Cavite.
- Latest
- Trending