SAF 44 bibigyan ng award ni PNoy
MANILA, Philippines – Gagawaran na ng posthumous award ni Pangulong Aquino ang 44 Special Action Force (SAF) commandos na nagbuwis ng buhay sa paglipol sa international terrorist sa Mamasapano, Maguindanao.
Isasabay ang seremonya sa ika-1 taong anibersaryo ng Fallen 44 bukas, Enero 25 sa Camp Crame.
Ayon kay PNP Spokesman Chief Supt. Wilben Mayor, itinakda ang ‘Commemoration of Heroism of the Gallant SAF 44 “, na dadaluhan ni PNoy bilang tagapagsalita at panauhing pandangal sa Multi Purpose Hall ng Camp Crame dakong alas -9 ng umaga.
Bago ang pagpaparangal sa SAF 44, sinabi ni Mayor na ipagdiriwang muna ang ika-25 anibersaryo ng pagkakatatag ng PNP na dadaluhan naman ni DILG Secretary Mel Senen Sarmiento matapos ang flag raising ceremony sa PNP Headquarters.
Nabatid na 42 sa mga bayaning SAF commandos ay tatanggap ng Distinguished Conduct Star Medal, ang ikalawang pinakamalaking karangalan na iginagawad.
Samantala dalawa sa mga ito ang inaasahang gagawaran na ng Medalya ng Kagitingan o ang PNP Medal of Valor, ang pinakamataas na parangal para sa katapangan at kabayanihan.
Ang mga ito ay sina Chief Inspector Gednat Tabdi at PO2 Romeo Cempron kung saan ang parangal ay tatanggapin naman ng kanilang mga pamilya.
Magugunita na si Tabdi ang namuno sa SAF 84th Company na naglunsad ng operasyon upang mahuli ang Malaysian terrorist na si Marwan sa hideout nito sa Brgy. Pidsawan habang si Cempron naman ang namuno sa 55th SAF Company na nakipagbarilan sa nagsanib puwersang Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ng makorner ang mga ito sa maisan sa umaatikabong bakbakan sa Brgy. Tukanalipao.
Nakatakda ring gawaran ng parangal ang 15 SAF survivors na nasugatan sa Oplan Exodus.
Ikinagalak naman ng mga pamilya at kaibigan ng SAF 44 na sa wakas ay mapararangalan na rin ang kabayanihan ng mga ito.
- Latest