Panawagan ni Binay sa Philippine posts sa Middle East: Saudi-Iran crisis paghandaan!
MANILA, Philippines – Nanawagan si Vice President Jejomar C. Binay sa mga embahada ng Pilipinas sa Middle East na ihanda at irepaso ang kanilang mga planong pangkagipitan kapag lumubha ang sitwasyon sa hidwaan ng Saudi Arabia at Iran.
“Dapat ihanda na natin ngayon hangga’t maaga ang anumang contingency plan,” sabi ni Binay. “Nananawagan ako sa mga Philippine embassies sa Middle East na ihanda at repasuhin ang kanilang mga contingency plan kung sakaling kailangang ilikas o pauwiin ang ating mga OFW.”
Sinabi pa ng Bise Presidente na merong pondong nakalaan para sa mga emergency purposes at batid ng mga embahada na maaari nila itong gamitin kapag lumubha ang sitwasyon.
Samantala, tiniyak ni Binay sa mahigit 800,000 Overseas Filipino Workers sa United Arab Emirates na ligtas sila kahit merong tension sa Saudi Arabia at Iran.
“Makakatiyak kayo, makakatulog kayo ng mahimbing, at tinitiyak ko sa inyo, ang inyong embahada ay nakahanda sa anumang mangyayari bunga ng problema ng Saudi Arabia at Iran,” sabi ni Binay.
Binanggit ng Bise Presidente na isa sa mga dahilan ng pagdalaw niya sa UAE ay ang tignan ang epekto sa mga OFW ng tension sa Saudi Arabia at Iran.
“Sa ngayon ay normal ang lahat (sa UAE). Pero tinitiyak ko sa mga Pilipino sa UAE na hindi lang ngayon tayo makakaharap ng ganyang krisis,” dagdag niya.
Sa isang forum sa harap ng mga Pilipino roon, iginiit ni Binay ang kanyang panawagan sa malinaw na patakaran ng pamahalaan sa mga kaso ng blood money para mapabilis ang pagsagip sa mga manggagawang Pilipino mula sa parusang bitay sa mga bansang Arabo.
Mahalaga anyang itakda ang mga panuntunan sa mga kaso sa hinaharap at idiniin niya na kailangang mabilis na maaksiyunan ang mga nakabimbing kaso ng mga OFW na nasa death row.
- Latest