Robredo: Gusot sa Comelec nakasisira sa tiwala ng publiko
MANILA, Philippines – Mahahaluan ng duda at agam-agam ang halalan sa Mayo 2016 dahil sa bangayan sa pagitan ng dalawang mataas na opisyal ng Commission on Elections (Comelec).
Ayon kay Liberal Party (LP) vice presidential candidate Leni Robredo, nakalulungkot ang gusot sa pagitan nina Comelec Chairman Andy Bautista at Commissioner Rowena Guanzon dahil nangyari ito sa kasagsagan ng paghahanda sa darating na halalan.
“Nakakalungkot kasi ang Comelec should be beyond all this. Sila iyong mag-si-safeguard ng election. Ang dami-daming kailangang gawin ngayon na sana di na sila nag-i-spend ng time para sa ganun,” wika ni Robredo.
Sa huli, iginiit ni Robredo na hindi ang dalawang lider ng Comelec ang masisira sa awayan kundi ang institusyon na kanilang kinakatawan.
Idinagdag pa ni Robredo na dapat ayusin ng dalawa ang gusot upang hindi maapektuhan ang paghahanda sa halalan.
Para kay Robredo, ang isang opisyal ng Comelec ay hindi dapat kumikiling sa sinumang kandidato upang hindi mabahiran ang duda ang mga hakbangin nito.
Kapag may kinilingan ang isang commissioner, sinabi ni Robredo na masisira ang tiwala ng komisyon sa mata ng publiko.
- Latest