LTO kakalampagin sa mga ‘modified’ na sasakyan
MANILA, Philippines – Nangako kahapon ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na makikipag-ugnayan sa Land Transportation Office (LTO) kaugnay ng hindi mapigilan na mga modipikasyon sa mga pribado at pampublikong sasakyan na maaaring maging sanhi ng aksidente.
Ito ay makaraang dagsain ng reklamo si MMDA Chairman Emerson Carlos ukol sa mga pribadong sasakyan na nagkakabit ng mga LED na ilaw habang ang ilan ay may mga blinker pa.
Bukod dito, may mga sumbong rin sa naglipana at nauuso ngayon na nakakasilaw na LED headlight at maiingay na open muffler sa mga motorsiklo na mistulang hindi nasasaway ng mga otoridad.
“Hayaan ninyo po at kakausapin natin ang bagong LTO Chief Bobbit Cabrera ukol dito,” ani Carlos na pabor na ipagbawal ang anumang modipikasyon sa mga sasakyan na walang permiso sa pamahalaan.
Sa mga pampublikong jeep, marami rin ang reklamo ukol sa modipikasyon sa pagpapahaba o ekstensyon ng katawan nito. Mula sa dating siyaman na upuan, nagiging 14 magkabilang bahagi ang kapasidad ng mga pampublikong jeep partikular sa mga bumibiyahe ng Monumento-Malinta-Bulacan sa North Luzon Expressway.
Maituturing umano na “overloading” ito dahil sa lagpas sa kapasidad ng tamang sukat ng pampasaherong jeep at maaaring maging mapanganib sa kalsada dahil sa sobrang bigat.
Base sa batas, sinabi ng MMDA na lahat ng modipikasyon na gagawin sa isang behikulo ay dapat aprubado ng LTO bago mabigyan ng rehistro at payagang makabiyahe sa lansangan.
- Latest