‘Holiday trash’ i-recycle
MANILA, Philippines – Muling nanawagan ang grupong EcoWaste Coalition sa publiko na mag-recycle matapos tumambad ang tambak-tambak na basura sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila kabilang na ang lugar ng Divisoria.
Ang mga tambak na basura anila ay hindi katanggap-tanggap lalo na’t patuloy ang climate change.
Kabilang sa mga sinasabing “holiday trash” ay mga natirang pagkain, plastic at styro cups.
Idineklara ni Pangulong Aquino ang buwan ng Enero bawat taon bilang zero waste month upang magbigay gabay sa pamumuhay at kaugalian ng bawat indibdwal na matutong mag-recycle at i-segregate ang mga basura upang mapakinabangan pa ang mga ito ng iba.
Ayon sa grupo, ang pagtatapon ng basura ay malaking gastos para sa mga taxpayer.
Sa yearend report noong 2013 ng Commission on Audit (CoA), gumasta ang mga LGUs ng halos P4.3 bilyon para lamang sa paghakot ng mga basura.
Nanguna dito ang Quezon City na halos isang bilyong piso na sinundan ng Maynila, Makati, Caloocan at Pasay City.
Sa pagtataya ng National Solid Waste Management Commission, ang 9,060 tonelada ng basura noong 2015 araw-araw ay aakyat pa ng 9,213 tonelada ngayong 2016.
- Latest