Pagawaan ng plastic sa Quezon City naabo
MANILA, Philippines - Isang warehouse na pagawaan ng plastic ang naaabo makaraang masunog sa bisperas ng Bagong Taon sa lungsod Quezon.
Ayon kay Senior Supt. Jesus Fernandez, city fire marshal, ang nasunog na bodega ay ang Geo Parts Company na matatagpuan sa no. 27 Pineda St., sa Bgy. Nagkaisang Nayon sa lungsod na pag-aari ng isang Peter Uy.
Sabi ni Fernandez, nagsimula ang apoy sa may opisina sa unang palapag ng nasabing gusali, alas 8:50 ng gabi.
Bigla na lamang umanong may umusok mula dito hanggang sa magsimulang maglagablab at lamunin ang buong palapag.
Dahil sa kapal ng usok kailangang gumamit pa ng breathing apparatus ang kanilang tropa para mapasok ang kaloob looban ng establisimiyento at maapula ang apoy.
Alas 9:37 ng gabi nang maapula ang apoy na umabot naman sa ikalawang alarma.
Wala namang iniulat na nasaktan o nasawi sa nasabing insidente habang umabot naman sa P50,000 ang halaga ng napinsalang ari-arian nito.
- Latest