P10K umento sa guro tiniyak nina Digong-Alan
MANILA, Philippines – Tiniyak kahapon ng tambalan nina Davao City Mayor Rodrigo Duterte at Sen. Alan Peter Cayetano na madaragdagan ng P10,000 ang sahod ng mga pampublikong guro sa bansa sa susunod na taon kung sila ang mahahalal na presidente at bise presidente ng bansa.
Ayon kina Duterte at Cayetano, mas magiging masaya ang Pasko ng mga public school teachers sa susunod na taon.
Ang karagdagang P10,000 para sa mga public school teachers ay bukod pa sa umiiral na Salary Standardization Law (SSL).
“Tatapusin natin ang malulungkot na Pasko ng ating mga guro. Hindi dapat sila tinitipid at kinakaligtaan. Makakaasa ang ating mga guro ng matapang na solusyon at mabilis na aksyon para itaas ang kanilang mga sahod at iba pang benepisyo,” ani Cayetano.
Binatikos ni Cayetano ang panukala ng gobyerno na karagdagang P2,205 para sa entry-level position ng mga guro mula sa kasalukuyang P18,549 dahil nangangahulungan lamang ito ng 12% increase sa loob ng apat na taon o karagdagang P500 increase sa bawat taon.
Sinabi ni Cayetano na sa halip na ayusin ang compensation scheme para sa mga guro mas ibinabanderaa pa ang palpak na sistema ng pasahod kung saan kabilang ang mga public school teachers sa nakakatanggap ng pinakamaliit na sahod sa pamahalaan.
“This what Mayor Duterte and I want to end. We will restore the dignity of the teaching profession. No more cheapskate wage increases which do not address burdensome taxes, cost of living and living conditions in general,” ani Cayetano.
Ang panukalang pagdadagdag ng sahod ng mga guro ay bahagi ng Senate Bill 94 na isinusulong ni Cayetano.
Ayon kay Cayetano, mismong ang World Bank ang nag-validate sa kanilang pag-aaral noong 1998 na ang teaching profession ang maikokonsiderang “single most influential factor” sa performance ng mga estudyante.
Pero ang kasalukuyang “salary grade” umano na ibinibigay sa mga guro ay mababa at hindi naayon sa kanilang kuwalipikasyon.
- Latest