Suporta ng kababaihan kinilala ni Robredo
MANILA, Philippines – Tinawag ni Liberal Party vice presidential candidate Leni Robredo na napakalaking bagay ang suporta ng kababaihan sa kanyang kandidatura.
“Very heart warming. When I was first told na mayroong ganito, parang hindi ako makapaniwala. Alam mo mababa ako sa surveys, pero iyong kagaya nila ay tumaya para sa akin, napakalaking bagay,” wika ni Robredo sa paglulunsad ng “Women for Leni Movement” noong Martes.
Dumalo sa launching ang ilang prominenteng kababaihan sina Quezon City Vice Mayor Joy Belmonte, young star Bea Binene, Cong. Sitti Hattaman, Alice Murphy, Jeannie Javelosa at Reese Fernandez-Ruiz.
Pagkatapos ng launching, isinagawa ang “Kababaihan sa QC” event sa Araneta Coliseum na dinaluhan ng mahigit 12,000 kababaihan kasama sina LP presidential bet Mar Roxas, Speaker Feliciano Belmonte, QC Mayor Herbert Bautista at Rep. Alfred Vargas.
Sa panayam, binigyang halaga ni Robredo ang kahalagahan ng suportang hatid ng sektor ng kababaihan sa kanyang kampanya.
Umaasa naman ang convenor ng grupo na si Vice Mayor Belmonte na marami pang grupo ng kababaihan ang bubuo ng katulad na grupo na tutulong sa kampanya ni Robredo.
“Sana ito na ang unification ng napakaraming grupo ng mga kababaihan. Talagang nagpapasalamat ako kay Vice Mayor Joy, kasi parang siya talaga ang may brain child nito,” wika ni Robredo.
Samantala, sinabi ni Robredo na prayoridad niya ang women empowerment sakaling manalo bilang bise presidente.
Aniya, kapag napalakas ang women empowerment, maraming problema at isyu ng kababaihan ang mareresolba.
- Latest