P150K balikbayan box ilibre sa tax - VP Binay
MANILA, Philippines – Iginigiit ni Vice President Jejomar C. Binay na itaas hanggang P150,000 ang ceiling sa taxable value ng mga balikbayan box na dinadala o ipinapadala ng mga Overseas Filipino Worker sa Pilipinas.
Pinuna ni Binay na hindi na makatotohanan at angkop sa kasalukuyang panahon ang kasalukuyang P10,000 tax limit. Itinakda anya ang naturang limit noon pang 1978 na ang exchange rate ay P7.37 to $1 pa.
“Kunwari may umuwing OFW at may dalang bagong laptop para sa anak niya. Wala naman sigurong de-kalidad at brand new na laptop o computer na P10,000 lang ang presyo. Kaya doon pa lang sa laptop, ubos na ‘yong exemption niya,” paliwanang ng Bise Presidente.
Sinabi pa ni Binay na ang pagtaas ng tax ceiling ay isang pasasalamat sa milyun-milyong dolyar na ibinubuhos ng mga OFW sa bansa.
“Sa huling datos, umabot sa $17.9 bilyon ang remittances mula Enero hanggang Agosto ng taong kasalukuyan. Noon lang Agosto, ang remittance mula sa mga OFW ay umabot na sa $2.3 bilyon,” sabi pa niya.
Umaasa naman si Binay na pagtitibayin ng 16th Congress bago matapos ang sesyon nito ang panukalang Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) na merong probisyon sa pagtataas ng tax ceilings para sa balikbayan boxes.
Kung hindi man, gagawin niyang prayoridad ang pagpapatibay ng CMTA kapag siya ang nahalal na pangulo sa susunod na taon.
- Latest