Free wifi sa Pinas isusulong ni Binay
MANILA, Philippines - Isusulong ni Vice President Jejomar Binay sa kanyang administrasyon na magkaroon ng libreng wifi ang lahat ng mga paaralan at kabahayan sa buong bansa.
Ang pahayag ni Binay ay isinagawa sa ginanap na pagpapasinaya o pagbubukas ng “Lingkod Kabitenyo” sa Cavite State University campus sa Rosario, Cavite.
Ang Lingkod Kabitenyo ay ang free wifi project ng Cavite provincial government sa pamamahala ni Governor Jonvic Remulla.
“Kapag ako ay pinalad na maging inyong pangulo sa susunod na taon, gagayahin po natin ang proyekto ni Governor Jonvic (Remulla) dito sa Cavite at ipapatupad po natin ito sa buong bansa,” ani Binay. Sinabi ni Binay na kanyang palalawakin ang maaabot ng mga cell sites sa tulong ng pribadong sektor upang lalong mapabilis ang koneksyon ng internet.
“Kung mabilis at maayos ang koneksyon ng internet sa buong Pilipinas, mas maraming tao sa mga probinsya ang magkakaroon ng online na trabaho, tulad ng mga transcribers, accountants, artists at designers,” pahayag ni Binay sa harap ng mga estudyante at lokal na opisyales ng Cavite.
- Latest