INC leaders walang kaso sa US - IRS
MANILA, Philippines – Binatikos kahapon ni Camarines Sur 4th District Rep. Felix William “Wimpy” Fuentebella ang anya ay iresponsableng pahayag ng mga dating ministro ng Iglesia ni Cristo na sina Vincent Florida at Isaias Samson na mayroon umanong ‘offshore account’ sa ibang bansa ang dalawang mataas na lider ng INC na sina Executive Minister Eduardo Manalo at auditor Glicerio Santos Jr.
Sinabi ni Fuentebella na hindi makatarungan at malisyoso ang mga akusasyon nina Florida at Samson sa kabila ng pag-amin ni Florida na “wala” siyang personal na nalalaman sa kanyang ibinibintang at “naikuwento” lang ito sa kanya.
Ang kawalan ng batayan sa bagong alegasyon laban sa INC ay kinumpirma naman ng US Internal Revenue Service (IRS) na nagsabing walang kinakaharap na anumang kaso patungkol sa money laundering sina Manalo at Santos.
Sa hiwalay na pahayag, sinabi ni INC spokesperson Edwil Zabala na nakahanda silang “ibigay” kina Florida at Samson ang mga sinasabing bank account sa Cayman Island at Switzerland sakaling mapatunayan nila ito.
Aniya pa, mahigpit ang pagsunod ng INC sa pangangalap ng kanilang mga donasyon. Dagdag patunay umano dito ay ang ‘tax exemption’ na ibinigay ng Estados Unidos sa INC.
Para naman kay Fuentebella, ang mga ganitong akusasyon na hindi suportado ng ebidensya ay maaaring makasira sa reputasyon ng isang tao o grupo kaya dapat itong pag-ukulan ng pansin lalo na ng media.
“Masyadong seryoso ang kanyang akusasyon pero hindi naman pala ito totoo, dahil ang totoo ay walang imbestigasyon na isinasagawa ang IRS laban sa INC sa US,” pansin pa ng mambabatas.
- Latest