Ex-Albay solon kinasuhan sa P27M PDAF scam
MANILA, Philippines – Kinasuhan ng tanggapan ng Ombudsman sa Sandiganbayan si dating 3rd district Albay Rep. Reno Lim matapos makakita ng probable cause hinggil sa umanoy maanomalyang paggamit ng kanyang Priority Development Assistance Fund (PDAF) noong 2007 na may halagang P27milyon. Kapwa akusado ni Lim ang limang opisyal ng Technology Resource Center (TRC) officials, Kaagapay Magpakailanman Foundation Inc. (KMFI) representatives at si Carmelita Barredo ng C.C. Barredo Publishing House sa apat na counts ng paglabag sa Republic Act No. 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act) at apat na counts ng Malversation. Kasama sa charge sheet sina TRC executives Antonio Ortiz, Dennis Cunanan, Maria Rosalinda Lacsamana, Marivic Jover at Consuelo Lilian Espiritu gayundin sina KMFI representatives Carlos Soriano at France Mercado. Sa record, noong August at November 2007, hiniling ni Lim ang pagpapalabas ng kanyang PDAF na may halagang P30 milyon at kinilala ang TRC bilang implementing agency at KMFI bilang NGO-partner. Ang P30 milyon ay laan daw sa pagbili ng 8,000 sets ng livelihood instructional materials at technology kits. Noong 2008, isang Memorandum of Agreement (MOA) ang nilagdaan ni Lim, TRC at KMFI representatives. Personal na pinili ni Lim ang KMFI ng dalawang beses bilang project implementor kahit walang public bidding. Dahil dito, nakita ng Commission on Audit ang anomalya sa paggamit ng pera, kawalan ng public bidding, kawalan ng track record ng KMFI kahit na nairehistro sa Securities and Exchange Commission noon lamang taong 2006; ang NGO ay walang legitimate business address at ginamit lamang ang address ng isang C.C. Barredo; walang accreditation process na ginawa para madetermina ang kapasidad ng KMFI na maisagawa ang proyekto; nakapagbayad agad ng P27 milyon sa proyekto kahit wala pang pirmahan ang MOA at fictitious ang proyekto dahil walang naipamahaging livelihood kits sa mga sinasabing benepisyaryo nito.
- Latest