APEC tagumpay – PNP, AFP Mission accomplished!
MANILA, Philippines – Kapwa idineklara kahapon ng mga opisyal ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) na matagumpay ang naging pagdaraos ng katatapos na Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit sa bansa.
Ayon kay PNP Chief Director General Ricardo Marquez, kuntento siya sa ipinatupad na seguridad ng PNP partikular na ang anti-riot cops na sa kabila ng karahasan ng mga militanteng raliyista ay pinairal pa rin ang maximum tolerance.
Sinabi ni Marquez na naging matagumpay at mapayapa ang katatapos na pagdaraos ng APEC Summit 2015 dahil sa maigting na pagpapatupad ng seguridad ng Multi-Agency Coordinating Council (MACC) security forces sa pangunguna ng PNP at AFP.
Nasa 30,000 security forces ang nangalaga sa seguridad mula sa mga venue ng okasyon sa Philippine International Convention Center (PICC) kung saan nagdaos rin ng pagtitipon sa Mall of Asia (MOA) arena, Makati City habang bantay sarado rin ang 16 hotel kung saan tumuloy ang mga lider ng mga bansa at economist na nagpartisipa sa okasyon.
Bago ganapin ang APEC Summit ay kapwa nagpatupad ng full alert status ang PNP at AFP sa buong bansa matapos naman ang madugong terror attack ng Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) sa Paris, France na ikinasawi ng 153 katao habang 200 pa ang nasugatan noong Nobyembre 13 ng gabi.
Sa panig naman ni AFP Chief of Staff Gen. Hernando Iriberri, sinabi nito na hindi biro ang ginawang pagtupad sa tungkulin ng mga sundalo upang protektahan ang 21 Head of State kung saan pang-22 si Pangulong Aquino.
“Binabati ko kayo, mission accomplished tayo, I’m very proud of all of you, hindi biro ang naging misyon natin para pangalagaan ang 22 Head of State kasama na ang ating mahal na Pangulo lalo pa nga at may nangyaring terror attack sa Paris, France,” ani Iriberri sa talumpati nito kamakalawa ng gabi sa nasa 2,000 sundalo na bahagi ng puwersa ng AFP na tumulong sa PNP sa pagtiyak ng kaligtasan at kapayapaan ng APEC Summit 2015 na ini-host ng pamahalaan matapos ang 20 taon.
Sa kaniyang pagpaparangal sa mga sundalong idineploy sa APEC Summit, binigyang diin ni Iriberri na isang malaking tagumpay para sa bansa na nairaos ng matiwasay at mapayapa ang nasabing event sa pamamagitan ng pagtutulungan at pagkakaisa.
Matapos ito ay nagdaos ng ‘boodle fight’ si Iriberri na dinaluhan rin ni Defense Secretary Voltaire Gazmin bilang piging sa naging tagumpay ng AFP na tiyakin ang kaligtasan ng lahat ng mga lider ng mga bansa, economist at iba pang mga delegado na dumalo sa katatapos na makasaysayang event sa bansa.
Matapos na makaalis na ang mga Head of State ay inalis na ang pansamantalang gun ban ng PNP na ipinatupad sa Metro Manila habang sa AFP ay tinanggal na rin ang no fly zone at no sail zone na pansamantalang ipinatupad habang idinaraos ang APEC Summit 2015.
- Latest





















